Home NATIONWIDE Tattoo ban sa mga parak, tuloy na!

Tattoo ban sa mga parak, tuloy na!

MANILA, Philippines – Tuloy nang muli ang pagpapatupad ng Philippine National Police (PNP) sa tattoo ban para sa mga tauhan nito at mga naghahangad na mga pulis.

Nauna nang inalis ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang moratorium sa panukala, ani PNP spokesperson Col. Jean Fajardo sa isang panayam.

“Noong Hulyo 3, inaprubahan ng chief PNP ang pagtanggal ng moratorium. Ibig sabihin, ipapatupad ang guidelines, partikular ang hindi paglalagay ng tattoo partikular sa mga papasok sa PNP. Definitely, yung mga aplikante na interesadong pumasok sa PNP service via recruitment or lateral entry or even PNP Academy (PNPA), hindi sila pwedeng sumali sa PNP at PNPA,” ani Fajardo.

Nauna nang sinuspinde ng PNP ang tattoo ban dahil sa kahilingan ng ilang pulis at sa PNP Health Service (HS) na suriin ang deklarasyon na isinumite ng mga aktibong pulis na may tattoo.

Sinabi ni Fajardo na ang impormasyon mula sa mga deklarasyon ay magiging bahagi ng health profile ng mga pulis at bibigyan sila ng tatlong buwan upang alisin ang mga nakikitang tattoo na ito.

Gayunpaman, sinabi niya na ang technical working group ng PNP ay hindi pa naglalabas ng mga patakaran sa pagtanggal ng mga nakikitang tattoo.

Aniya, kailangang sagutin ng mga pulis ang mga gastos sa pagtanggal ng tattoo dahil walang kagamitan ang PNP Health Service para rito.

Ang mga pulis na mabibigo na sumunod sa tatlong buwang tuntunin sa pagtanggal ng tattoo ay sasailalim sa imbestigasyon at maaaring maharap sa mga kasong administratibo.

“Kung meron naman medical reasons, probably, he will be given ample time to comply but for those who would refuse without justifiable reason then malinaw na nakasaad sa circular that they may be subject to administrative sanctions,” sabi ni Fajardo. RNT