SOUTH KOREA – Nagsimula na ang South Korea at Estados Unidos sa kanilang taunang military exercise nitong Lunes, Agosto 19 upang palakasin ang kahandaan ng dalawang bansa sa kabila ng military at cyber threats ng North Korea.
Nakatakdang matapos ang Ulchi Freedom Shield exercises sa Agosto 29 na itinaon kasunod ng nuclear at missile programs ng North Korea, at ang plano nitong paglulunsad ng reconnaissance satellites.
Ipakikita sa mga drill ang “realistic threats” sa lahat ng domain, kabilang ang missile threats ng North Korea, GPS jamming, cyberattacks at mga aral na nakuha mula sa mga dating insidente.
Hiwalay na isasagawa ng South Korea ang simultaneous government-led Ulchi civil defense drills, sa scenario ng nuclear attack ng North Korea.
Hinimok ni South Korean President Yoon Suk Yeol ang paghahanda para rito at tinawag pa ang North Korea bilang “the most reckless and irrational country in the world.
“As seen in Ukraine and the conflicts in the Middle East, war can break out at any time,” sinabi ni Yoon.
“The nature of war has also changed from the past, being carried out in a hybrid form that mixes regular, irregular and cyber warfare, and even public opinion and psychological warfare using fake news.”
Nasa 19,000 South Korean troops ang lalahok sa drill na magkakaroon ng 48 rounds ng pinagsama-samang field training, kabilang ang field maneuver, live fire at amphibious exercises. RNT/JGC