MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin si Senador Robin Padilla nitong Lunes, Agosto 19 kasabay ng paglilinaw nito sa binitiwang mga salita sa pagdinig ng Senate panel noong nakaraang linggo kaugnay sa sexual dynamics ng mga mag-asawa at ang kahalagahan ng consent.
Ani Padilla, ang mga tanong niya sa naturang pagdinig ay “hypothetical” at layon lamang na magkaroon ng mas malalim na usapin kaugnay sa isyu.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin at ng inyong mabuting pasensya… Ang aking mga katanungan po ay hypothetical base sa sentimiento at realidad ng mga pang-karaniwang Pilipino,” paliwanag ni Padilla.
“Ang linya po ng aking pagtatanong ay upang magkaroon ng diskusyon at pagbibigay-linaw… Ang pinang-gagalingan ko po ay upang gabayan ang karamihan ukol sa isyu ng marital rape,” dagdag ng senador.
Sa naturang pagdinig, tinanong ni Padilla si Atty. Lorna Kapunan kung ano ang gagawin ng asawang lalaki na gustong makipagtalik kung wala sa mood ang asawa nito.
Kalaunan ay binanggit din nito ang umano’y “sexual rights” ng asawang lalaki sa asawang babae nito.
Binatikos ng mga women’s group at netizen ang mga sinabi ni Padilla kay Kapunan na tinawag na “sexist.”
Ang imbestigasyon ng Senate panel ay orihinal na itinakda para sa mga kaso ng sexual harassment sa mga television network.
Sa kabila nito ay hindi natuloy ang usapan sa naturang kaso kung kaya’t nais na lamang na tutukan ni Padilla ang posibleng pag-amyenda sa mga kasalukuyang batas. RNT/JGC