MANILA, Philippines – Pasado na sa House Committee on Ways and Means ang panukalang batas na magbibigay ng tax exemptions at iba pang insentibo para sa mga pambansang atleta at coaches sa bansa matapos itong iprisenta ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez.
Isinulong ni Gomez ang pag-aapruba sa probisyon sa ilalim ng Substitute Bill na layong amiyendahan at palawakin ang mga benepisyo sa ilalim ng Republic Act No. 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.
Sa ilalim ng naaprubahang probisyon, magiging ganap nang libre sa anumang uri ng pambansa at lokal na buwis, bayarin, at iba pang charges ang lahat ng uri ng insentibo, premyo, bonus, at emoluments na matatanggap ng mga atleta at coaches kapag sila ay lumaban o nagwagi sa mga internasyonal na kompetisyon.
Bukod sa direktang benepisyo sa mga atleta, target din ng panukala na palakasin ang pakikipagtulungan ng pribadong sektor sa larangan ng palakasan.
Sa ilalim ng bagong probisyon, ang anumang donasyon, regalo, endowment, at kontribusyon mula sa mga pribadong indibidwal o kumpanya na nakalaan sa pagsasanay at mga gastusin sa kompetisyon ng mga atleta ay ituturing na allowable deductions mula sa gross income ng donor.
Binigyang-diin ni Gomez, na tumatayong Vice Chairperson ng House Committee on Youth and Sports Development, na ang hakbang na ito ay isang nararapat na pagkilala sa sakripisyo, dedikasyon, at tagumpay ng mga pambansang atleta na nag-uuwi ng dangal sa bansa.
Ayon sa mambabatas, nararapat lamang na buong-buo at walang anumang bawas na matanggap ng mga atleta ang mga premyong kanilang pinaghirapan. Idinagdag pa niya na ang pagbibigay ng targeted tax incentives sa pribadong sektor ay magiging susi upang mas marami pang kumpanya ang mag-invest sa pasilidad, pagsasanay, at international campaigns ng mga atletang Pilipino. Gail Mendoza