MANILA, Philippines — Tinanggihan ng National Maritime Council (NMC) ang panawagan ng China na hilahin at alisin ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal, iginiit na naaayon sa international law ang presensya ng commissioned Philippine Navy vessel sa lugar.
Sa pahayag nitong Martes, Setyembre 1, sinabi ng NMC na hindi nagbabago ang posisyon ng Pilipinas na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf ng bansa sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.
Nauna rito, nanawagan ang Chinese Ministry of National Defense noong Agosto 27 na alisin umano ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal, na tinatawag ng Beijing na Ren’ai Jiao.
Inakusahan din ng China ang Pilipinas ng paggamit umano sa resupply missions upang magdala ng construction materials at gawing permanenteng outpost ang barko.
Mariing tinututulan ng Pilipinas ang pag-angkin ng China sa Ayungin Shoal at ang paglalarawan nito sa BRP Sierra Madre bilang “illegally grounded.”
Batay sa 2016 Arbitral Award, ang Ayungin Shoal ay isang low-tide elevation na nasa EEZ at continental shelf ng Pilipinas. Nauna ring iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi maaaring angkinin bilang teritoryo ng alinmang estado ang naturang maritime feature at ang Pilipinas ang may sovereign rights at jurisdiction sa lugar.
“The presence of BRP Sierra Madre in Ayungin Shoal remains to be consistent with the sovereign rights and jurisdiction of the Philippines within its EEZ and continental shelf,” ayon sa NMC.
Sadyang isinadsad ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong 1999 at mula noon ay nagsisilbi itong outpost ng mga sundalong Pilipino sa West Philippine Sea.
Sinabi ng NMC na patuloy na susuportahan ng pamahalaan ang mga tauhan nito sa lugar at magsasagawa ng mga kinakailangan at legal na aktibidad habang iniiwasan ang mga hakbang na maaaring magpalala ng tensyon.
Iginiit din ng konseho na nananatiling nakatuon ang Pilipinas sa mapayapang paglutas ng mga sigalot, pagsunod sa international law at pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon. Dave Medina