Home TOP STORIES Villar: AFASA laking-tulong sa online scams, financial fraud campaign

Villar: AFASA laking-tulong sa online scams, financial fraud campaign

1
0

MANILA, Philippines — Malaking tulong ang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) sa pagpapalakas ng imbestigasyon at enforcement laban sa online scams at financial fraud, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa Senate budget briefing, sinabi ni BSP General Counsel Roberto Figueroa na napalawak ng Republic Act No. 12010 o AFASA ang kakayahan ng central bank na imbestigahan ang mga financial account na pinaghihinalaang ginagamit sa panloloko.

Ayon sa datos na inilahad sa pagdinig, nakapagtala ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group ng 527 kasong may kaugnayan sa AFASA noong 2025, kung saan 447 ang naiulat na na-clear.

Naitala rin umano ang pagbaba ng mga insidente ng online scam sa unang kalahati ng 2026, na iniugnay din sa lumalawak na kaalaman ng publiko hinggil sa iba’t ibang modus ng panloloko.

Hiningi ni Sen. Mark Villar, chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies at pangunahing nagsulong ng AFASA sa Senado, ang update hinggil sa implementasyon at resulta ng batas.

Sa ilalim ng AFASA at implementing rules nito, binigyan ang BSP ng mas malawak na kapangyarihang magsiyasat sa mga financial account na posibleng sangkot sa money muling, social engineering at iba pang ipinagbabawal na gawain. Itinatag din ang Consumer Account Protection Office (CAPO) upang mangasiwa sa naturang mga imbestigasyon.

Maaari ring magbahagi ang CAPO ng financial account information sa PNP, National Bureau of Investigation, Department of Justice, Cybercrime Investigation and Coordinating Center at iba pang competent authorities na may information-sharing agreement sa BSP para sa imbestigasyon at prosekusyon ng mga kaso.

Nilagdaan bilang batas ang AFASA noong Hulyo 20, 2024, upang papanagutin ang mga sangkot sa money muling, social engineering at iba pang financial account scams.

“Malinaw sa mga datos na may konkretong resulta ang AFASA,” ani Villar, kasabay ng pagtitiyak na handa ang Senado na suportahan ang karagdagang hakbang upang mapalakas ang proteksyon ng publiko laban sa financial scams.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here