MANILA, Philippines — P785.204 milyon ang inirerekomendang bagong appropriations para sa Office of the Vice President (OVP) sa 2027, mas mababa ng 11.7% kumpara sa P889.236 milyon nitong 2026.
Batay sa 2027 National Expenditure Program (NEP) ng Department of Budget and Management (DBM), P220.232 milyon sa panukalang pondo ang nakalaan sa Personnel Services, P561.651 milyon sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), at P3.321 milyon sa Capital Outlay.
Bukod dito, may P15.544 milyon na automatic appropriation para sa Retirement and Life Insurance Premiums ng mga kawani. Dahil dito, umaabot sa P800.748 milyon ang kabuuang proposed agency budget ng OVP kapag isinama ang automatic appropriation.
Sa ilalim ng NEP, P557.965 milyon ang nakalaan para sa Socio-Economic Program Delivery ng tanggapan, kabilang ang P424.980 milyon na MOOE para sa mga operasyon at programa.
Ayon sa OVP, bahagi ng panukalang pondo ang pagpapatuloy ng mga programang MagNegosyo Ta ’Day, PagbaBAGo Campaign, disaster operations, Relief for Indigents and Individuals in Crises and Emergencies (RIICE), Libreng Sakay, wheelchair distribution, Al-Janazah Kits at You Can Be VP Program.
Sinabi rin ng tanggapan na P193.103 milyon mula sa MOOE ang nakalaan para sa procurement ng mga produkto at livelihood assistance grants sa ilalim ng MagNegosyo Ta ’Day at iba pang assistance programs.
Ayon sa OVP, nananatili itong nakatutok sa paggamit ng pampublikong pondo para sa mga programa at serbisyong direktang makatutulong sa mga Pilipino sa kabila ng mas mababang panukalang budget para sa susunod na taon. Santi Celario