Home METRO Telcos, Meralco pinulong ng Pasay mayor sa balik-internet na nasapul ng clearing...

Telcos, Meralco pinulong ng Pasay mayor sa balik-internet na nasapul ng clearing ops

341
0

MANILA, Philippines – Inatasan ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano ang mga telecommunication companies (Telcos) na agad ibalik ang Wi-Fi connections ng kanilang mga subscribers na nawalan ng koneksyon ng internet dahil sa isinasagawang wire clearing and maintenance operations ng Anti-Urban Blight (AUB) Program ng Manila Electric Company (Meralco) sa lungsod.

Sa ginanap na pagpupulong nitong nakaraang Miyerkules (Nobyembre 5), hinarap ni Calixto-Rubiano ang mga kinatawan at focal persons ng Meralco, gayundin ang iba’t ibang representante ng mga telcos, upang mabigyan ng solusyon ang kawalan ng internet connections sa Malibay at iba pang naapektuhan ng clearing operations ng Meralco.

Sa naturang dialogo, pumayag ang Meralco na maibalik agad ang linya ng mga service providers na mayroong Request To Attach (RTA) sa kanilang mga poste.

Habang ang mga walang RTA na linya ng Telcos ay bibigyan ng hanggang pitong (7) araw ng Meralco para kumuha ng kinakailangang permiso sa kanila bago maibalik ang Wi-Fi.

Samakatuwid, ang pagkawala ng Wi-Fi connections ng mga taga-Malibay ay bunsod ng isinasagawang paglilinis ng Meralco sa kanilang mga poste at hindi inisyatiba o kautusan mula sa lokal na pamahalaan.

Bunga ng kakulangan sa pakikipag-ugnayan ng Meralco at Telcos sa lungsod, ang nasabing operasyon ay nagdala ng matinding perwisyo sa kabila ng magandang layunin nito.

Dahil dito, binigyang-diin din ni Calixto-Rubiano ang mga Telcos at ang clearing team ng Meralco na makipag-ugnayan sa Pasay LGU bago magsagawa ng anumang aktibidad o operasyon, lalo’t nakakaapekto ito sa pang-araw-araw na gawain at kabuhayan ng mga taga-Pasay.

“Let us work together na ‘wag nang maulit ang ganito. Lalo na sa panahon ngayon, napaka-necessity na ang Wi-Fi connectivity sa pang-araw-araw na takbo ng buhay ng tao. Kapag mawalan ka lang ng ilang oras ng internet, malaki na ang epekto nito, lalo na sa ating mga kababayan na work-from-home, mga estudyante na nag-aaral online, and of course ang mga negosyo na nakadepende rin sa Wi-Fi. Kaya naman ‘wag nating basta-basta na lang tanggalan sila ng connectivity, lalo na wala naman silang kasalanan kung walang RTA o lacking of permit ang kanilang mga service providers,” ani Calixto-Rubiano.

Bago muling magsagawa ng paglilinis sa mga poste ng Meralco, kailangang mag-abiso muna sa publiko sa pamamagitan ng Facebook Page ng Public Information Office (PIO) upang mapaalalahanan ang mga subscribers sakaling magkaroon ng service interruptions dahil sa AUB program.

James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here