TAMA lang siguro ang naging pasiya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma na aminin ang kanyang nalalaman sa bistado na rin namang reward system sa Philippine National Police sa mga napatay na drug suspek sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kahit masikip sa kanyang dibdib, patunay ang naiiyak niyang pagbasa sa kanyang sinumpaang salaysay, isiniwalat pa rin ni Garma sa Quad Committee ng Kongreso ang kanyang nalalaman sa reward system at itinuro sina dating Pangulong Duterte, dating PNP chief Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Christopher “Bong” Go na nasa likod umano nito.
No choice naman kasi talaga si Garma dahil kahit hindi siya kumanta, sabit na rin naman siya sa extra judicial killings , lalo na sa pagpatay sa dati niyang kapwa opisyal ng PCSO na si Board Secretary Ret. Gen. Atty. Wesley Barayuga.
Hindi pa man ikinakanta ni Garma ang pagdadawit kina Duterte, Go at Bato, umuugong na ang balita at nasa blind item na rin ang gagawing pagbubulgar ng isa raw dating opisyal na ang masasapol ay mga dating nasa matataas na katungkulan ng nakaraang administrasyon.
Pero tama ang pananaw ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop na sa lahat ng isiniwalat ni Garma sa kanyang sinumpaang salaysay, iniwas niya na masangkot ang kanyang sarili dahil ipinagdiinang wala raw siya sa umiiral na sistema.
Natutuklasan lang, aniya, ang mga nangyayaring pamamahagi ng reward money sa mga opisyal at mga pulis sa napapatay nilang drug suspects na ang presyo ay mula sa P20k hanggang P1 million, kumporme sa antas ng pagkakasangkot sa droga, dahil ikinukuwento at isinusumbong sa kanya ito ng mga taong kanyang pinagkakatiwalaan.
Siyempre, hindi naman kumbinsido si Acop, na dating isang batikang imbestigador sa panahon ng panunungkulan bilang pulis, maging ang iba pang miyembro ng komite sa inilahad ni Garma, kaya sabi nga ng kongresista, dapat sabihin na ni Garma ang lahat ng kanyang alam dahil kung baga sa kasabihan, nabasa na rin lang ng tubig ang kanyang mga paa, dapat siyang maligo.
Nakasilip pa tuloy si Atty. Salvador Panelo, ang loyalist na abogado ni Duterte, sa sinumpaang salaysay ni Garma na aniya ay malinaw na hindi tatayo sa hukuman dahil puro hearsay lang at wala naman siyang personal na kaalaman. Sa madaling salita,nag-maritess lang si Garma.
Pero umaasa pa rin ang libo-libong mga miron at mga sumusubaybay sa mistulang tele-nobelang serye ng pagsisiyasat na magkakaroon pa nang mas malinaw na pagbubulgar sa oras na kumanta na rin si Ret. Col. Edilberto Leonardo, lalo na’t nagpasiya na rin siyang magbitiw bilang Commissioner ng National Police Commission.
Ang dami pa talagang aabangan sa mga susunod na pagdinig ng Quad Com at sa totoo lang, talaga namang patuloy itong umani ng napakaraming views sa social media.