Home METRO Tensyon sumiklab sa Barangay West Rembo

Tensyon sumiklab sa Barangay West Rembo

MANILA, Philippines- Nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng Makati Public Safety Department (PSD) at ng Taguig Traffic Management Office (TMO) makaraang subukang pasukin ng mga tauhan ng huli ang Makati Park and Garden na nasasakupan ng Barangay West Rembo nitong Biyernes, Marso 1.

Kinondena ng lokal na pamahalaan ng Makati ang tangkang panghihimasok ng mga miyembro ng Taguig TMO sa Makati Park and Garden na umano’y pag-aari ng Makati ngunit napigilan ito ng mga nagbabantay na security guards at mga nakatalagang miyembro ng Makati PSD.

Nangyari ang komosyon bago sumapit ang alas-8 ng umaga matapos humingi ng responde ang nakatalagang security guard sa lugar tungkol sa tensyon na namamagitan sa Taguig TMO at Makati PSD kung saan nagkatulakan pa umano rito.

Medyo humupa lamang nang kaunti ang sitwasyon nang dumating ang tagapagsalita ng lokal na pamahalaan ng Makati na si Atty. Don Camina na siyang kumausap sa hepe ng Taguig TMO.

Sinabi ni Camina na hindi makatarungan ang tangkang ilegal na pagpasok ng mga tauhan ng Taguig TMU sa nabanggit na parke dahil nabili na ito na hanggang sa kasalukuyan ay pag-aari pa rin ng lungsod ng Makati.

Nilinaw din ni Camina na walang kwestiyon sa hurisdiksyon na ang EMBO barangays ay nasa Taguig base na rin sa inilabas na pinal na desisyon ng Korte Suprema ngunit hindi nangangahulugan na ang lahat ng nandirito ay sa kanila dahil pag-aari pa rin ito ng Makati. James I. Catapusan

Previous articleDSWD gagamit ng e-wallets sa distribusyon ng 4Ps cash aid
Next articleMurang NFA rice tatalupan sa Senado