Manila, Philippines – Mahigpit na ipinagbawal noon na dumalaw si Teresa Loyzaga kay Diego Loyzaga nang ito ay naka-rehab.
Si Diego, nag-iisang anak ni Teresa kay Cesar Montano, ay dumanas ng matinding laban sa kanyang pagkagumon sa droga. Sa isang TV guesting, ibinahagi ni Teresa ang mahirap na panahon nang kinailangang ipa-rehab si Diego sa isang drug facility.
Bagama’t labag sa kanyang kalooban, wala nang ibang pagpipilian si Teresa.
“Alam mo ‘yung binabastos ka na? Pero hindi siya ‘yun, ‘yun ‘yung effect ng drugs sa kanya,” ani Teresa.
Pinadala si Diego sa rehab bilang bahagi ng proseso upang matutunan niyang pahalagahan ang tahanan at ang pamilya.
Mahigpit ang pagbabawal sa mga bisita, kaya’t hindi siya pinayagang lumapit ni Teresa.
Ngunit palihim, nagpapadala si Teresa ng pagkain sa anak.
Hindi rin alam ni Diego na palihim siyang dinadalaw ng ina — na pinanood at inobserbahan ito ni Teresa mula sa likod ng tarpaulin na may maliit na butas at monitor.
“May isang pagkakataon na tarpaulin lang ang pagitan namin. Hindi niya alam na nasa likod ako. Sinisilip ko siya sa butas, tapos may maliit na monitor, kaya alam ko kung ano ginagawa niya. Pero kailangan kong manahimik para hindi maramdaman ni Diego na nandito lang ako,” kuwento ni Teresa.
Aminado ang aktres na napakahirap ng panahong iyon, kung saan ang tanging sandigan niya ay ang panalangin.
Ngayon, makikita si Teresa bilang isang masayang lola, lalo na’t nagpapaligaya sa kanya ang apong si Baby Hailey, anak ni Diego sa kanyang non-showbiz girlfriend.