Home NATIONWIDE Territorial rights ng Pilipinas sa WPS patuloy na ilalaban ni PBBM

Territorial rights ng Pilipinas sa WPS patuloy na ilalaban ni PBBM

MANILA, Philippines – iPAGPAPATULOY ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipaglaban ang territorial rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Tinanong kasi si Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang hinggil sa sinabi ng Tsina na inokupa na nito ang Sandy Cay, tinawag itong Tiexian Reef, sa South China Sea.

Sinabi pa ni Castro na ang tinuran ng security officials ay hindi totoo.

Idinagdag pa nito na nakatuon ang Pangulo na igiit ang karapatan ng bansa sa rehiyon.

”Asahan po natin ang wala pong alinlangang dedikasyon ng Pangulong Marcos, na ipaglaban ang ating karapatan sa ating teritoryo, sa ating maritime rights lalung-lalo na po dito sa West Philippine Sea,” ang sinabi ni Castro.

”At wala pong—tuloy-tuloy pa rin po ang pagprotekta sa lahat ng karapatan ng bansa na naaayon sa International law, pero may paniniguro na ito ay para sa peace and stability,” dagdag na wika.

Samantala, mariing kinontra ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pahayag ng China na inokupahan na nito ang Sandy Cay na bahagi ng West Philippine Sea.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, RAdm. Roy Vincent Trinidad, walang katotohanan ang mga naging pahayag ng China patungkol dito.

Sa katunayan, sinabi ni Trinidad na kasama ito sa isinagawang Inter-Agency Maritime Operation kasama ang Navy, Coast Guard, BFAR at PNP Maritime Group.

Gayunman, taliwas sa mga ibinabandera ng China, sinabi ni Trinidad na walang nakitang anumang bakas ng Tsina sa Sandy Cay at wala ring nakitang katibayan kung saan gayundin ay kung kailan kinuha ang larawang ibinabandera ng nasabing bansa.

Kaya’t malinaw ayon kay Trinidad na bahagi ito ng “malign influence” ng China upang ipangalandakan sa mundo ang kanilang naratibo na sila lamang ang naniniwala. Kris Jose