MANILA, Philippines – NANGAKO ang Malakanyang na palalawigin nito ang anti-poverty at hunger initiatives bilang tugon sa kamakailan lamang na survey na nagpapakita ng pagtaas ng bilang ng pamilyang Filipino na kinokonsidera ang kanilang sarili bilang mahirap.
Ayon sa pinakabagong StratBase-Social Weather Station (SWS) survey, may 55% ng pamilyang Filipino o 15.5 milyong pamilya, ang itinuring ang kanilang sarili bilang mahirap ngayong buwan ng Abril, bahagyang tumaas mula sa 14.4 milyong pamilya noong Marso.
Kinikilala naman ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ang findings ng survey at binigyang diin na sineseryoso ng administrasyong Marcos ang report na ito.
Binanggit dnaman ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na ang kahirapan ay isang dynamic issue, partikular na sa self-rated poverty surveys, na kadalasang sensitibo sa ‘inflation at fluctuations’ sa presyo ng mga mahahalagang kalakal.
“We understand that poverty incidents can be dynamic, in particular self-rated poverty surveys are sensitive to inflation, particularly the price level of commodities commonly consumed, say food, transportation, etc., prevailing at the time of the survey versus what it was in the recent past,” ang sinabi ni Castro, tinukoy ang naging pahayag ni Balisacan.
Sa usapin ng tumataas na poverty rates, tiniyak naman ni Castro sa publiko na ang gobyerno ay committed na palawakin ang social welfare programs nito para tugunan ang pagkagutom at kahirapan.
“Papalawigin pa po ang mga programa para matugunan po ang mga isyu patungkol sa kahirapan at kagutuman,” aniya pa rin.
Samantala, kabilang naman sa palalawigin ay ang P20 per kilogram rice initiative, ang “No Hunger” program, Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at school-based feeding program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Muli namang inulit ni Castro na ang pagsisikap na ito ay bahagi ng malawak na layunin ng administrasyon na maibsan ang kahirapan at paghusayin ang kapakanan ng mga Filipino, tiyakin na ang mga programa ng pamahalaan ay makakaabot sa mga nangangailangan. Kris Jose