MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Manila City Council ang isang resolusyon na nagbibigay-pugay sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil sa aktibo at lumalawak nitong pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa mga programang pangkabuhayan ng mga Manileño.
Sa ilalim ng administrasyon nina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza, itinulak ng 13th City Council ang pagpapatibay ng mga programang nakatuon sa hanapbuhay at kasanayan para sa mamamayan.
Pangunahin itong inakda nina Councilor Eunice Castro, Edward Tan, at Raymundo Yupangco. Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Castro na higit pa sa isang simpleng hakbang lehislatibo ang naturang resolusyon.
“Hindi basta resolusyon itong ipapasa natin, kundi para magbigay-pugay sa isang mahalagang katuwang ng Lungsod ng Maynila sa pagbibigay ng maayos na kinabukasan,” ani Castro.
“Marami sa ating mga out-of-school youth at marginalized sectors ang nangangailangan lamang ng isang pagkakataon upang makabangon. Ang naibibigay ng TESDA ay dignidad, kumpiyansa, kakayahan, at pag-asa,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, patuloy ring isinusulong ng lungsod ang iba’t ibang konkretong programang pangkabuhayan tulad ng pamamahagi ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ng livelihood packages sa 1,000 benepisyaryo at ang “Skills to Go Manila” program na magdadala ng skills training diretso sa mga komunidad.
Bilang presiding officer ng konseho, buong suporta ring ipinahayag ni Vice Mayor Atienza sa naturang resolusyon. Ayon sa kanya, mahalaga ang partnership ng lungsod at TESDA upang maisulong ang sustainable employment na naaayon sa layunin ng Minimum Basic Needs (MBN) Program ng administrasyon.
“Under the MBN Program of the mayor, alam natin na gusto ng ating alkalde na lahat ng mga unemployed ay mabigyan ng trabaho,” ani Atienza.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang TESDA upang mabigyan ng oportunidad ang mga Manileño na muling makatayo sa sariling mga paa.
“Importante po para sa akin at sa ating alkalde na lahat ng mga Manileño ay mabigyan ng panlaban sa buhay,” saad niya.
Samantala, binigyang-diin naman ni Councilor Elmer Par ang kahalagahan ng TESDA certifications lalo na para sa mga naghahanap ng trabaho sa abroad. Ibinahagi rin niya ang ilang kuwento ng tagumpay ng mga residenteng nakapagtayo ng sariling maliit na negosyo matapos kumuha ng baking at barista courses.
Ayon naman kay Councilor Don Juan Bagatsing, hindi dapat minamaliit ang technical-vocational education dahil kasinghalaga rin ito ng pagkakaroon ng college degree.
“You teach a man or a woman how to fish rather than giving them fish,” ani Bagatsing. “If you give them a fish to eat, tapos na ’yan after one time. But if you teach them how to fish, they can eat for their whole lives. That is the essence of TESDA.”
Nagpasalamat din si Atienza sa mga TESDA instructors at local coordinators na patuloy umanong nagtatrabaho sa mga komunidad upang maisakatuparan ang layunin ng lungsod na mabigyan ng mas magandang oportunidad ang mga Manileño.
Sa pamamagitan ng direktang pagdadala ng skills training sa grassroots level, umaasa ang pamahalaang lungsod na mas marami pang residente ang magkakaroon ng pagkakataong makabangon at magkaroon ng mas matatag na kabuhayan. JAY Reyes