MANILA, Philippines – Inaasahang dadalo sa pagdinig o pre-trial sa kasong murder sa Manila Regional Trial Court Branch 12 si dating Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves.
Sa abiso ng kanyang legal counsel na si Atty. Ferdinand Topacio, haharap si Teves sa pagdinig sa pamamagitan ng video teleconferencing ganap na alas-8:30 ng umaga ngayong Martes, Hulyo 29.
Matatandaan na nagpasok noong Hulyo 14, 2025 ng ‘not guilty’ plea sa kanyang arraignment ang dating mambabatas kaugnay sa murder case nito na nangyari noon pang 2019.
Nauna nang hindi nagpasok ng plea si Teves sa pinagsama-sama nitong kaso na illegal possession of firearms at illegal possession of explosives gayundin ang multiple murder case sa umano’y pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Hindi rin nagpasok ng plea ang dating mambabatas para sa terrorism financing case sa Quezon City Regional Trial Court Branch 77. Jocelyn Tabangcura-Domenden