Home METRO Thai national natagpuang patay sa Manila Bay  

Thai national natagpuang patay sa Manila Bay  

MANILA, Philippines- Nadiskubre ang bangkay ng isang Thai national na palutang-lutang sa Manila Bay sa Ermita, Manila nitong Miyerkules ng gabi.

Positibong kinilala ng Royal Thai Embassy ang mga labi ni Chakhon Khumphaitun, 24, mula sa Bangkok, Thailand. 

Nananatili umano ito sa Royal Thai Embassy sa Legaspi Village, Makati City.

Ayon kay PCMS Dennis Suba ng Manila Police District homicide section, natagpuan ang sling bag na naglalaman ng pasaporte at mga personal na gamit ng biktima sa seawall at itinurn-over ito sa Royal Thai Embassy ng alas-7 ng umaga.

Natagpuang palutang-lutang ang katawan sa katubigan dakong alas-4:30 ng hapon ng parehong araw.

Kinumpirma ng Embahada na ang larawan sa pasaporte ay tugma sa nadiskubreng katawan.

Wala namang nakitang sugat sa katawan ng biktima, at suot pa nito ang gintong kwintas nito nang matagpuan ni Bodor Manampen.

Dinala na ang mga labi sa Body and Light Funeral Home para sa autopsy. RNT/SA