MANILA, Philippines- Inatasan ng Supreme Court (SC) ang House of Representatives na sagutin ang petisyong isinampa ng ilang social media personalities.
Sinabi ni SC Spokesperson Atty. Camille Ting, mayroong 15 araw ang Kamara para maghain ng komento sa petition for certiorari and prohibition with urgent prayer for the issuance of a TRO.
Maliban kay Speaker Martin Romualdez, respondent din sa petisyon sina Rep. Robert Ace Barbers at Joint Committee na kinabibilangan ng Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information na kinakatawan nina Reps. Dan Fernandez, Tobias Tiangco at Jose Aquino.
Kabilang sa mga nagpetisyon sa SC sina Atty. Trixie Cruz Angeles, Mark Anthony Lopez, Ernesto Abines Jr., Pineda Garcia, Krizette Lauretta Chu, Jonathan Morales, Lorraine Marie Tablang Badoy-Partosa, Aaron Peña (Old School Pinoy), Elizabeth Joie Cruz (Joie De Vivre), Suzanne Batalla (IamShanwein), Kester Ramon, John Balibalos Tan (Mr Realtalker) at Ahmed Paglinawan.
Hiniling ng mga nabanggit na personalidad na magpalabas ang SC ng temporary restraining order para pagbawalan ang mga respondent sa pagbabanta umano sa kanila dahil lamang sa pagpapahayag nila sa kanilang freedom of speech, of expression at press.
Iginiit din ng social media personalities na ang isinasagawang imbestigasyon ng Quad committee ay pag-apak sa kanilang freedom of speech. Teresa Tavares