Home SPORTS Thailand taob sa Gilas Women sa Jones Cup

Thailand taob sa Gilas Women sa Jones Cup

Pinigilan ng Gilas Pilipinas Women ang fourth quarter comeback attempt ng Thailand para kumpletuhin ang 68-58 panalo sa 2024 William Jones Cup noong Martes sa Xinzhuang Gymnasium sa Taiwan.

Hawak ng Gilas ngayon ang 2-2 record para panatilihing buhay ang kanilang slim title hopes habang ang Thais ay nahulog sa kaparehong kartada.

Hawak ng Pilipinas ang 18 puntos na kalamangan, subalit unti-unti itong tinapyas ng Thailand sa tulong ni Sasiporn Wongtapha, na ang krusyal na layup at back-to-back free throws ay nagbawas ng kanilang depisit sa single digit, 62-56.

Ngunit ang mga batang shooter ni head coach Patrick Aquino ay bumawi mula sa triple ng 19-anyos na si Camille Nolasco na nagbigay ng daan sa Gilas na makuha ang 65-56 cushion may 1:17 nalalabi sa laro.

Naging napakalaki ng isa pang three-pointer ng 18-taong-gulang na si Naomi Panganiban pang mapalawig pa ang kalangan at masiguro ang panalo.

Nanalasa si Jack Animam sa paint na  double-double na 10 puntos at 21 rebounds kasabay ng dalawang assist at isang block habang kapwa nagtala sina Panganiban at Nolasco ng tig-siyam na marka.

Si Wongtapha, isang matagal nang miyembro ng Thailand national team, ay nakipagsabayan sa kanyang koponan na may 18 puntos kasama ng siyam na rebound at dalawang assist.

Titingnan ng Gilas na tapusin ang kampanya nito sa pagsagupa nito sa Chinese Taipei A.

Upang mapanalunan ng Gilas ang kampeonato, dapat talunin ng nationals ang kanilang huling kalaban sa malaking margin at umaasa na matatalo ang Japan sa susunod na dalawang laro laban sa Malaysia at Thailand.

Walang playoff round ang torneo, na ginagawang otomatikong kampeon ang nangungunang koponan pagkatapos ng lahat ng mga laro sa preliminaries.