Home NATIONWIDE Timing ng pagsasampa ng impeachment vs PBBM, kaduda-duda – solon

Timing ng pagsasampa ng impeachment vs PBBM, kaduda-duda – solon

MANILA, Philippines – “Highly suspicious.”

Ito ang naging tugon ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre hinggil sa ulat na sinampahan ng impeachment complaint si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng Duterte Youth Party-list.

Ayon kay Acidre, kaduda-duda ang “timing” ng pagsasampa ng reklamo, lalo’t tatlong araw na lamang bago ang nakatakdang May 12 midterm elections.

Ipinaliwanag ng mambabatas na imposibleng maproseso agad ng Kongreso ang nasabing impeachment complaint, batay na rin sa kasalukuyang legislative calendar.

Hinimok ni Acidre ang publiko na suriin ang motibo sa likod ng hakbang ng Duterte Youth.

“We urge the public to reflect on the motives behind the move,” aniya sa panayam ng mga mamamahayag sa isinagawang Tingog Party-list/Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) rally para sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (ABP) senatorial candidates ng administrasyon sa Tacloban, Leyte.

Nagbabala rin si Acidre laban sa mga tangkang gawing “political weapon” ang impeachment.

“Sana ho ang ating mga kababayan ay tingnan — hindi po kandidato ang ating Pangulo, at bakit kailangan po itong gawin sa kanya?” dagdag niya.

Matatandaang inihayag sa isang Facebook post ng Duterte Youth Party-list na naghain ito ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos.

Gayunpaman, hanggang sa oras ng pagsulat ng ulat na ito ay walang kumpirmasyon kung pormal na ngang naihain ito sa Kamara. Ayon sa House rules, tanging si House Secretary General Reginald Velasco lamang ang may kapangyarihang tumanggap ng impeachment complaint.

Sa ngayon, naka-break ang Kongreso para sa halalan at nakatakdang magbalik sesyon sa Hunyo 2, bago ang sine die adjournment o ang opisyal na pagtatapos ng ika-19 na Kongreso.

Batay sa post ng Duterte Youth, inaakusahan nila si Pangulong Marcos ng treason kaugnay sa umano’y pagpapayag nitong mailipat si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), gayundin ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust. Gail Mendoza