Home METRO Tirador ng kable ng telepono sa Malabon, huli sa akto

Tirador ng kable ng telepono sa Malabon, huli sa akto

HIMAS-REHAS ang kapalit ng pagiging gahaman ng 30-anyos na kawatan nang tangkaing ubusin ang makakapal na kable ng telepono sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Nakaipon na ng mga naputol na kable si alyas “Rodel”, residente ng Kasarinlan, Brgy. Muzon, pero muling bumalik para putulin pa ang nakalaylay na malalaking kable na dahilan ng kanyang pagkakadakip.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, pasado alas-4 ng umaga nang madiskubre nina Niño Ramos at Niño Cortaga, kapuwa tanod ng Brgy. Baritan ang putol-putol ng kawad ng telepeono sa Gen. Luna St. kaya’t ipinabatid nila ito sa Malabon Police Sub-Station 7.

Dakong alas-5 ng umaga nang mapuna nila ang pagdating ng lalaking may hawak na lagaring-bakal at sinimulang lagariin ang makakapal na kable kaya’t humingi na sila ng tulong kina P/Cpl. Joe Christian Fiel at P/Cpl. Cesar Wagayen ng Police Sub-Station-7 para dakpin ang kawatan.

Ayon kina P/SSg. Diego Ngippol at P/SSg Ernie Baroy, may hawak ng kaso, may 200 pares ng tig-12 metro ng kable ng telepono at isang lagaring bakal ang nabawi ng mga pulis at barangay tanod kay alyas Rodel na nahaharap ngayon sa kasong Cable Wir Theft sa ilalim ng R.A. 10515 sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Boysan Buenaventura)