LINGAYEN, Pangasinan- Patay ang mag-asawa sa sunog na tumama sa kanilang bahay sa Barangay Matalava sa lugar na ito nitong Sabado.
Kinilala ng mga pulis ang mga biktima na sina Wendy Repato, 35, isang seafarer, at Ronaly de Guzman Repato, 31, isang public school teacher.
Batay sa imbestigasyon, nakaamoy si Roger de Guzman, ama ni Ronaly, ng nasusunog sa loob ng kusina bandang alas-2:40 ng hapon.
Kalaunan ay narinig ang malakas na tunog at nagliliyab na pala ang bahay base sa mga pulis.
Hindi nakalabas ng tahanan ang mga biktima dahil natutulog sila sa loob ng kanilang kwarto.
Naapula ang apoy pagsapit ng alas-3:28 ng hapon.
Sinabi ni Senior Fire Officer 2 Jaypee Aquino de Guzman, Bureau of Fire Protection-Lingayen prober, na iniimbestigahan pa ang mitsa ng insidente. RNT/SA