Home METRO Titser kritikal sa mister na problemado sa pera

Titser kritikal sa mister na problemado sa pera

ZAMBOANGA DEL SUR- Kritikal sa ospital ang isang guro matapos barilin ng kanyang asawa sa loob ng kanyang classroom nitong Huwebes sa bayan ng Labangan.

Kinilala ang biktimang si teacher Maricel Acido, 40-anyos, nagtuturo sa Dipaya Elementary School, Barangay Dipaya, at residente ng Barangay Bokong ng naturang bayan habang tugis naman ng pulisya ang suspek at mister nitong si Monico A. Molina.

Batay sa report ng Labayan Police Station, naganap ang insidente hapon ng Huwebes sa silid-aralan ng biktima sa nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bigla na lamang pumasok ang suspek sa classroom ng biktima at binaril niya ito na tinamaan sa kanang bahagi ng dibdib.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek tangay ang bag ng biktima na naglalaman ng pera, ATM at iba pang personal na gamit.

Dinala naman sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas ang tinamo nitong tama ng bala at patuloy na inoobserbahan.

Kwento ng mga kakilala ng mag-asawa, lulong umano sa ilegal na droga ang suspek at palagi nilang pinag-aawayan ang pera.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang tunay na motibo sa pangyayari at agarang pagkadakip sa suspek. Mary Anne Sapico