MANILA, Philippines- Naglabas ng panuntunan ang Land Transportation Office (LTO) sa lahat ng Accredited Manufacturers, Importers, Assemblers, Dealers and Other Entities (MAIRDOEs) para sa mahusay at mabilis na pamamahagi ng Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR), ang mga plaka ng lisensya at ang Radio Frequency Identification (RFID) ng mga bagong biniling sasakyang de-motor.
Sa inilabas na memorandum, sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II ang pangangailangan ng (MAIRDOEs) na sundin ang limang araw na tuntunin sa paglalabas ng mga dokumento, RFID at plaka sa mga may-ari.
Kaugnay nito, nakasaad sa memorandum na nakadirekta sa MAIRDOEs na ang online submission ng documentary requirements ay dapat gawin sa loob ng dalawang araw habang ang pagbabayad pagkatapos maaprubahan ang bagong registration transaction ay dapat gawin sa loob ng isang araw.
Sa kabilang banda, ang pagtanggap ng OR, CR, plate/s at RFID ay dapat gawin sa loob ng tatlong araw. Dapat agad ipaalam sa mga may-ari ang pagkakaroon ng OR/CR, RFID at mga plaka ng lisensya para sa pamamahagi.
“Pinasimple na namin ang buong proseso alinsunod sa LTO Citizen’s Charter para matugunan ang maraming reklamo tungkol sa pagkaantala sa paglalabas ng mga dokumento at plaka ng lisensya,” ani Assec Mendoza.
“Matagal nang nakalagay ang guideline, ang memorandum sa MAIRDOEs ay reiteration lang na dapat nilang obserbahan ang mabilis na transaksyon at pagpapalabas dahil LTO ang sinisisi kung sa totoo lang hindi naman dapat,” dagdag niya.
Samantala, inutusan din ni Mendoza ang lahat ng MAIRDOE na magsumite ng bi-monthly report sa LTO bilang bahagi ng proseso ng pagsubaybay ng ahensya.
Nagbabala rin siya na ang nararapat na multa at parusa ay dapat kung sakaling magkaroon ng kabiguan na sumunod sa mga probisyon ng memorandum.
“Dapat ilabas ng mga car dealer ang OR/CR at ang mga plaka ng lisensya sa loob ng itinakdang oras ng LTO. Dapat tiyakin ng ating mga Regional Directors hanggang sa District Office heads ang pagsunod ng mga dealers,” sabi ni Assec Mendoza.
Naipaalam na umano sa tanggapan ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista ang aksyon ng LTO sa mga reklamo ng mga may-ari ng sasakyan. Santi Celario