Home OPINION TIWALA NI PBBM KAY MARBIL, MASUSUBUKAN

TIWALA NI PBBM KAY MARBIL, MASUSUBUKAN

HALOS isang linggo na ang nakakalipas pero usap-usapan pa rin sa Camp Crame ang biglaang   appointment ni P/Gen Rommel Francisco Marbil bilang hepe ng Philippine National Police.

Wala ang pangalan ni Marbil sa iilan na nababanggit na papalit kay nagretirong P/Gen Benjamin Acorda, Jr., kaya   marahil naging ‘palaisipan’ ang pagkaka-appoint sa kanya na  PNP chief.

Kung bakit naging isyu ang pagtatalaga kay Marbil ay marahil nakadagdag ang pagkakahirang kay P/LtGen Emmanuel Peralta bilang officer-in-charge ng pambansang kapulisan  sa loob lang ng ilang oras.

Dahil sa tila urong-sulong na pagpili ng PNP chief ay hindi maiiwasang mag-speculate ang mga malilikot ang utak nguni’t nagdesisyon na ang Presidente para sa PNP chief sa katauhan ni Marbil.

Kung paano nakuha ang pinapangarap ng mga heneral na trono sa Camp Crame ay hindi na kwestiyon dahil kung walang tiwala si PBBM ay ‘di magiging chief PNP ang batang Tarlaqueño.

Ang Pinas ay nahaharap  sa maraming pagsubok  kaya malinaw na nais ng Pangulo na magkaroon siya nang makakasamang mapagkakatiwalaan na reresolba sa problema ng bansa kaugnay sa kaayusan at kapayapaan.

Simple lang ang sinabi ni Presidente Marcos sa turn-over ceremony – maramdaman ng taumbayan na sila ay malayo sa  kapahamakan dahil   nagbabantay ang pulisya  para sa kaligtasan ng mamamayan.

Sa kasalukuyang estado  na cancer na kung ituring ang korapsyon sa police organization, kailangang mag-ala “super cop” si Marbil para masuklian ang tiwala ni PBBM.

*   *   *   *   *

Kung ilang beses nang isinumbong sa Chokepoint ang mga pergalan sa Region 4A na bukod sa lugar ng iligal na sugalan (color games) ay prente pa ng lantarang operasyon ng illegal drugs.

Ito ang mga lugar  na may pergalan – Barangay Santiago, Malvar at Brgy San Vicente, Sto Tomas na pinatatakbo ng isang Glenda; Brgy Kuntal, Taal na pinatatakbo ng isang alyas “Tess”; Brgy Malabanan, Balete na pinangungunahan ni alyas “Danny Bakla”; Brgy Ambulong at Poblacion, Balete na pinagbibidahan ni alyas “Gigi” – lahat sa Batangas.

Sa Quezon province ay may pergalan sa Star mall, Lucena city at Padre Burgos town na parehong ino-operate ni Ayie Tomboy; ni Otso sa Infanta;  Lex sa Patnanungan; Maris sa Dolores; Agdangan at San Francisco ni Felisa at Sampaloc at Lucban ni Josie Gurang.

Ang mga pergalan na ito sa lalawigan ng Batangas at Quezon na front ng sugal at drug dealing na hindi naman umano ipinahuhuli ng provincial director na si P/Col Samzon Belmonte. Baka masubukan sa mga pergalan ang tiwala ni PBBM kay Marbil.