Home OPINION SA 2028, REBELDENG NPA LANSAG NA

SA 2028, REBELDENG NPA LANSAG NA

DETERMINADO talaga ang Armed Forces of the Philippines  na malansag na ng tuluyan ang mga rebeldeng komunistang New People’s Army  para nga naman maitutok na nila ang kanilang puwersa sa pagdepensa sa sinumang nais manakop sa teritoryo ng bansa.

Target nila kasing lansagin nang tuluyan ang mga komunistang grupo na patuloy na humihina ang puwersa dahil sa sunod-sunod na pagsuko sa pamahalaan ng marami nilang miyembro bunga ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na ipatupad ang programang pagkakaloob ng amnestiya sa nalalabing miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

Kung mag-iisip lang siguro nang husto ang mga miyembro ng CPP-NPA-NDF, sasagpangin na nila ang iniaalok na amnestiya ni Pangulong Marcos, sa halip na makipagsapalaran sa madugong labanan na sa kalaunan ay batid naman nilang hindi sila magtatagumpay.

Halos araw-araw nga raw, ayon mismo sa AFP, ay nagkakaroon ng labanan, hindi lang sa pagitan ng mga sundalo at rebeldeng NPA, kundi sa iba pang grupo ng mga terorista sa bansa.

Sino nga ba naman ang gusto ng giyera lalo na kung kapwa Pilipino ang nagbabakbakan habang ang China, panay ang postura sa ating teritoryo sa pamamagitan ng panggigipit, hindi lang sa mga naghahatid ng supply sa mga sundalo sa barkong Sierra Madre kundi maging sa mga mangingisdang Pinoy.

Kung tutuusin, hindi na bago ang pagkakaloob ng amnestiya sa mga rebeldeng grupo pero pinalakas ito nang maglabas ng kautusan noong naaraang Nobyembre si Pangulong BBM para amyendahan ang naunang kautusan noong 2021 sa pamamagitan ng pagbuo ng National Amnesty Commission upang mapabilis ang proseso ng mga nagnanais magbalik-loob sa pamahalaan.

Sabi nga ni National Security Adviser Eduardo Año, kaagad na nagpahayag ng kanilang intensiyon ang may 1,500 na mga miyembro ng NPA na mag-apply ng amnestiya dahil batid nilang hindi magtatagal ay malalansag na ang kanilang hanay.

Mabisa talaga ang diskarte ni PBBM sa pagharap sa problema ng bansa sa insureksyon kaya posibleng sa pagtatapos ng kanyang termino sa  2028, lansag na talaga ang ilang dekadang pamamayagpag ng mga rebeldeng NPA sa bansa.