Home NATIONWIDE SoKor tatanggap na ng Filipino tourist visa applications via mail

SoKor tatanggap na ng Filipino tourist visa applications via mail

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Korean Visa Application Center (KVAC) sa Manila na nagsimula na itong tumanggap ng tourist visa applications sa pamamagitan ng liham, simula Mayo 1, 2024.

Ang mga aplikanteng Pinoy sa buong bansa ay maaaring magpasa ng kanilang tourist visa application forms (C-3-9) at iba pang kaukulang requirements sa pamamagitan ng partner courier service ng KVAC na WExpress.

Sa kabila nito, ang visa applications ng non-Filipinos at iba pang uri ng visa ay dapat na personal na ipasa sa KVAC o designated travel agencies.

Ayon sa website ng KVAC, maaaring magtungo sa pinakamalapit na branch ng WExpress at dalhin ang kanilang national ID at visa requirements.

Kokolektahin ang bayad na P1,900 para sa mailing service at service fee ng KVAC.

Aabutin ng hanggang 14 na araw ang pagproseso sa visa applications.

Dagdag pa ng KVAC, kung may kulang na dokumento o may hihingin na karagdagang dokumento ay maaari itong ipasa ng aplikante sa anumang WExpress branch sa loob ng pitong araw matapos na abisuhan ang mga ito ng staff ng KVAC.

Matatandaan na pinasimple pa ng South Korean government ang visa requirements mula Pebrero 1 hanggang Disyembre 31 ngayong taon. RNT/JGC