Home METRO Tiyahin todas sa pamamaril ng 2 pamangkin sa away sa lupa!

Tiyahin todas sa pamamaril ng 2 pamangkin sa away sa lupa!

BACOLOD CITY- Isang babae ang umano’y pinagbabaril ng dalawa niyang pamangkin dahil sa away sa lupa sa isang compound sa Sitio Beranio, Barangay Lantad, Silay City, Negros Occidental nitong Huwebes.

Kinilala ng mga pulis ang biktimang si Jossie Mondejar, 54, ng Barangay Lantad.

Ayon kay Police Lt. Col. Mark Anthony Darroca, Silay police chief, nasa labas ng kanyang bahay si Mondejar nang dumaan ang isa sa kanyang mga pamangkin na si Aljun Bitalac, 29, isang Philippine Drug Enforcement Agency agent.

Matapos ang ilang minuto, sinundan si Bitalac ng nakababata niyang kapatid na si Alfredo Jr., 18, armado ng baril, saka binaril sa ulo ang biktima.

Tumakas ang magkapatid na Bitalacs habang dinala si Mondejar sa isang ospital kung saan siya namatay nitong Biyernes.

Narekober sa crime scene ang .45 caliber bullet.

Sinabi ni Darroca na naaresto ang mga suspek sa isang bahay sa Barangay Lantad.

Paglalahad ng opisyal, si Aljun ay isang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent na nakatalaga sa Mindanao at nakabakasyon nang maganap ang insidente.

Ani Darroca, pinagbantaan ni Aljun ang biktima ilang araw na ang nakalilipas. Nagtatayo umano ang biktima ng dibisyon sa kanilang mga tahanan na nauwi sa pagtatalo.

Mayroon na rin umanong naunang hindi pagkakaunawaan ang mga pamilya ng mga suspek at biktima.

Ayon kay Darroca, sasangguni sila sa PDEA upang mabawi ang armas ni Aljun para sa ballistic examination.

Magsasampa ng kasong murder laban sa dalawang suspek, dagdag niya. RNT/SA