Home METRO Tiyuhin pinaulanan ng bala ng pamangkin, todas!

Tiyuhin pinaulanan ng bala ng pamangkin, todas!

MANILA, Philippines- Isang retiradong pulis ang namatay makaraang pagbabarilin ng kanyang pamangkin habang nag-iinuman sa kanilang bahay sa Brgy. San Sebastian, Kawit, Cavite.

Sa report, kinilala ang biktima na si alyas Reynaldo, may asawa, isang retiradong pulis at residente sa nasabing barangay.

Naisugod pa sa Kalayaaan Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang pamangkin nitong si alyas Edwin, na tumakas matapos ang nangyaring krimen.

Batay sa ulat, bandang ala-1:05 ng madaling araw nang maganap ang insidente kung saan una rito ay nag-iinuman ang biktima, kanyang pamangkin (suspek) at isa pang kasamahan sa kanilang bahay. Kalaunan ay tumayo ang biktima at sa hindi binanggit na dahilan ay nagtungo ito sa kanyang kotse pero lingid sa kaalaman ng biktima ay sinundan siya ng kanyang pamangkin at walang awang pinagbabaril.

Matapos ang insidente ay kaagad na tumakas ang suspek.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng hindi nabatid na kalibre ng baril na ginamit sa biktima, isang bala na may magazine at limang bala na nakuha naman sa gamit ng biktima.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa naganap na pamamaril at kung ano ang naging motibo sa pagpatay. Margie Bautista