
NAIIMADYIN ba ninyo, mga Bro, ang ilang nakatatakot o nakababahalang sitwasyon sa kambal na problemang sobrang init ng panahon at sunog?
Nagsimula na talagang maganap ang normal na tag-araw pero kakaiba ang init ngayon dahil umano sa climate change.
Dahil sa polusyon, nakararanas tayo ngayon ng sobrang init ng panahon, at kung umulan naman, may mga delubyo.
Dahil naman sa matinding init, normal ding nagkakaroon ng sunog at may mga sunog ngang kusang nagaganap kahit hindi sinasadya ng tao gaya ng sunog sa 287 ektarya sa Ilocos Norte.
Paano kung nadisgrasya ka na dahil sa init ng panahon at malitson ka pa nang buhay o maabuan ka ng lahat ng ari-arian sa sunog?
Paano partikular ang milyon-milyong mag-aaral, na nasa 27 milyon, na naaapektuhan sa face-to-face na pag-aaral dahil sa init ng panahon at mga sunog?
Ang totoo, nagaganap ang mga ito.
MGA BUNGANG KATAKOT-TAKOT
Sunod-sunod ang mga sunog na nagaganap.
Kahapon, may sunog sa Tondo, Manila at kamakalawa, may sunog din sa Barangay UP sa loob ng UP compound, Quezon City at sa Muntinlupa.
Nauna rito, may nasunog na gusali sa Quezon City na ikinamatay ng walo katao at may malaking sunog din sa Cebu City na ikinaabo ng 100 bahay at bumiktima ng halos 500 katao.
Napakasakit at napakabigat ang mamatayan ka na, masusunugan ka pa.
Pati mga eskwela, titser at estudyante, nadadamay dahil sila ang namatay o nasunugan o nawalan ng pagkakataon na maging edukado dahil ginagawang evacuation center ang kanilang mga eskwela.
At dahil hindi pumapasok sa iskul dahil sa init ng panahon, pagdating ng exam para sa Programme for International Student Assessment (PISA) ngayong Marso 2025, mauulit ang pagiging kulelat natin sa nasa 89 bansang kasali.
At nadadamay sa tawag na bobo ang lahat ng mga Pilipino, pati ng mga namumuno ng bansa mula sa mga Sangguniang Kabataan at Barangay Council hanggang sa mga konsehal, mayor, gobernador, kongresman, senador, Pangulo at maging ang mga titser at magulang.
PERWISYONG KAYANG LABANAN
Gumagawa ang pamahalaan ng mga tugon laban sa init ng panahon at sunog.
‘Yun bang === kumikilos ang Department Health sa pagtanggap ng mga biktima ng mga sunog at init ng panahon at aktibo ang PAGASA sa pagbibigay ng mga babala sa delikadong init ng panahon na tinutugunan naman ng Department of Education sa pagsuspinde sa face-to-face na klase habang 24 oras at araw-araw na lumalaban sa sunog ang Bureau of Fire Prevention.
Siyempre pa, hindi matatawaran ang mga local government unit sa mabibilis nilang pagtugon sa kambal na problema at sa katunayan, sila ang kauna-unahang kumikilos para labanan ang mga problema at iligtas sa perwisyo ang mga mamamayan.
Kung kasama ang lahat ng mga mamamayan sa pagbalikat at laban sa mga problema, sa bilang na milyon-milyon, malaking pwersa ang mga ito.
Pwede silang sanayin o magsanay bilang mga miyembro ng mga barangay fire brigade, medical aide, tsuper ng mga firetruck at ambulansya at magpakalat sa mga bahay-bahay ng mga kontra-sunog na impormasyon o aral at iba pa.