
HINDI na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ang pinagkakaabalahan ngayon ng mga dayuhan bilang raket subalit pangi-scam o panloloko talaga.
Nag-ugat lang sa POGO para magmukhang ligal pero ang totoo, ang talagang sentro ng operasyon ng mga ito ay iligal dahil mas malaki ang ganansya.
Hinayaan noong una ang POGO bagaman maraming reklamo dahil ang mga biktima ng mga ito ay pawang dayuhang katulad nila pero dahil gobyerno ng mga nabiktima ang humingi ng tulong sa ating pamahalaan kung kaya kumilos na ito.
Dito na nagkabukingan na marami rin palang mga Pilipino ang naloloko kaya naman nitong 2024 ay ipinagbawal na ng administrasyong Marcos ang operasyon ng POGO.
Ang problema, binigyan pa ng pagkakataon itong POGO na manatili sa bansa hanggang katapusan ng 2024 kung kaya Nakagawa ng paraan ang mga ito at ang operasyon na ngayon ay ‘guerilla style’ bagamat mayroong nagpapanggap na lehitimo ang negosyo kaya naman nakakuha ng business permit sa lokal na pamahalaan.
Sa Pasay City, nagpatuloy ang operasyon ng ilang dating operator ng offshore gaming pero syempre hindi makaliligtas ang mga ito sa awtoridad dahil na rin sa impormasyon na may mga dayuhang nagtungo roon.
Nitong nakaraang linggo, mismong si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano pa, kasama ang opisyal ng Business Permit and License Office, ang sumama sa ‘raid’ ng pinagsanib na pwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, Criminal Investigation and Detection Group, at tanggapan ng Department of Justice sa One Wheels Condominium sa SM MOA Complex.
Ang gusaling inokupa ng iligal na gawain ay nai-padlock na dati ng tanggapan nin Rubiano pero muling binuksan kaya naman natimbog nitong Pebrero 26 at nabuking ang kanilang iligal na gawain tulad ng love scam, investment scam at cryptocurrency scam.
Pawang mga dayuhan ang nadakip na kinabibilangan ng Chinese, Korean, Malaysian, Indonesian, Myanmar at Madagascar. May mga Pinoy din sa hub n ani-raid subalit hindi panloloko ang trabaho ng mga ito kundi, helper, janitor at cook.
Maaaring hindi lahat ng mga nahuling dayuhan ay talagang panlilinlang lang ang trabaho kundi maaari rin silang biktima ng mga POGO financier na kapag hindi sinunod ang uri ng panloloko, tatanggap sila ng matinding parusa na posibleng kamatayan.