ALAMINOS City, Pangasinan – Pinangunahan nitong Lunes ni Senator Francis ‘TOL’ Tolentino ang pamamahagi ng loan condonation certificates, land titles, at farm machinery at inputs sa halos 3,000 magsasaka sa lalawigang ito.
Sa kanyang talumpati, inilarawan ni Tolentino ang pag-aalis sa bilyun-bilyong utang ng mga magsasaka bilang “legasiya ng gobyernong Marcos.”
Aniya, naging posible ito sa pamamagitan ng pagpasa sa New Agrarian Reform Emancipation Act (RA 11953) noong nakaraang taon.
“Isang karangalan na maging bahagi ng paggawad ng mga sertipikong ito. Ito ang magpapalaya sa ating mga magsasaka sa matagal nang hindi nababayarang utang sa kanilang lupa, at makatutulong sa kanilang mga sakahan na maging mas produktibo at sustainable,” sabi ni Tolentino sa harap ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Don Leopoldo Sison Convention Center.
Binubura ng landmark na batas ang lahat ng utang ng mga ARB, kabilang ang interes, mga penalty, at mga surcharge, mula sa mga lupang sakahan na ipinamahagi sa ilalim ng mga batas sa repormang agraryo ng bansa.
“Ito ay pamana ng pambansang pamahalaan. Ingatan po ninyo ang regalong ito, na hindi lang kayo ang makikinabang, kundi pati na rin ang inyong mga anak at apo,” paalala niya sa mga magsasaka.
Kasama si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III at mga lokal na opisyal, iniabot ni Tolentino ang Certificates of Condonation with Release of Mortgages (CoCRoMs) sa 807 ARBs; Certificate of Land Ownership Award (CLOAs) sa 86 ARBs; mga electronic titles sa 837 ARB; at P7.56 milyong halaga ng makinarya sa sakahan sa 1,070 ARBs.
Sa kabuuan, 2,800 magsasaka sa Pangasinan ang ginawaran sa seremonya na dinaluhan din ng local chief executive sa pangunguna ni Pangasinan Governor Ramon Guico III at Alaminos City Mayor Arth Celeste. RNT