Home NATIONWIDE TOL: Pagbuo ng NIR, tulong sa kapayapaan, kaunlaran ng NegOr

TOL: Pagbuo ng NIR, tulong sa kapayapaan, kaunlaran ng NegOr

Naniniwala si reelectionist Senator Francis 'TOL' Tolentino na ang pagbubuo ng Negros Island Region ay makakatulong sa kapayaan at kaunlaran ng Negros Oriental. Kumpyansa rin si Tolentino na mangunguna sa progreso ng rehiyon ang naturang lalawigan.

Dumaguete City – Naniniwala si reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino na malaking tulong ang pagbuo ng Negros Island Region (NIR) para sa kapayapaan at progreso ng probinsya ng Negros Oriental.

“Ako’y naniniwala na ang Negros Oriental ay isang mapayapang lalawigan,” ayon kay Tolentino, nang tanungin ng media kung paano tutugunan ng Senado ang political violence, na lubhang nakaapekto umano sa imahe ng kapayaan at kaayusan sa lugar.

“Palagay ko ay nag-normalisa na ang sitwasyon, at mangunguna ang lalawigang ito sa pag-unlad ng NIR,” pagsisiguro ng senador.

Isang propesor ng batas sa Silliman University, nananalig si Tolentino na makikinabang ang turismo at mga negosyo sa pagbuti ng peace and order sa ilalim ng bagong buong rehiyon.

“Sa batas na NIR, malaki-laking puwersa ng kapulisan ang itatalaga sa rehiyon, para po sa tatlong lalawigan na yan ng Negros Occidental, Negros Oriental, at Siquijor,” aniya.

Dagdag pa ni TOL, mas konsentrado ang police force sa NIR, kumpara noong nasa Central Visayas (Region 7) pa ang Negros Oriental, kasama ang island provinces ng Cebu at Bohol.

Aktibong sinuportahan ni Tolentino ang panukalang bubuo sa NIR, na nilagdaan bilang Republic Act 12000 ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong Hunyo, 2024. RNT