MANILA, Philippines – Pinapurihan ni Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino ang pagbubukas ng Penagbenga Festival na nagdiriwang sa mayamang kultura at industriya ng bulaklak sa Baguio City.
“Modelo ang Baguio sa mga lokal na pamahalaan ng bansa dahil sa kanyang best practices sa turismo, mahusay na pamamahala, at suporta sa pagnenegosyo,” ayon sa senador.
“Ipinasa kamakailan ng Senado ang ilang mahahalagang amyenda sa charter ng Baguio na naglalayong palakasin ang kakayahan ng lungsod na ipagpatuloy ang mga nasimulang tagumpay at magplano para sa kanyang hinaharap,” dagdag nya.
Ang tinutukoy ni Tolentino ay ang House Bill 7406, o “Revised Charter of the City of Baguio,” na naaprubahan na ng Senado at Kamara. Principal co-sponsor ng naturang panukala si TOL.
Nitong unang bahagi ng buwan ay dumalaw si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa Senado para personal na magpasalamat sa mga senador, kabilang si Senate Majority Leader Tolentino, dahil sa paggabay sa pagpasa ng panukala.
“Sa pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan ay ineengganyo rin natin ang mamamayan para aktibong lumahok sa demokrasya at pagsulong ng bansa. Ako mismo ang makapagpapatunay dito bilang isa ring dating local chief executive,” pagtatapos ni Tolentino, na naging three-term mayor ng Tagaytay City at dating tagapangulo ng League of Cities of the Philippines. RNT