MANILA, Philippines – Nakatakas ang ilang Chinese Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers na napa-deport, habang naka-layover ang eroplano patungo sa China, sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Lunes, Pebrero 24.
“Totoo po ‘yan. Marami na kaming natanggap na reports tungkol diyan. Kaya kami ay nakikiusap sa deportation implementation unit ng Bureau of Immigration na ‘wag sanang hahayaan na maglabas ng implementation order kapag ang ticket ng foreign national na magbo-voluntary deportation o may deportation order ay mayroong layover,” pahayag ni PAOCC spokesperson Winston John Casio sa panayam ng DZBB.
“Lalo na kapag China, galing sa Maynila, direct flights naman po ang mga papunta ng China. Hindi na kinakailangan ng mga layover layover na ganyan. Ginagamit nilang pagkakataon ‘yan para tumakas,’’ dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ni Casio na ang Chinese Embassy ang nagbabayad para sa plane tickets ng mga Chinese national na naaresto sa Pilipinas.
Pagdating naman sa ilang kaso kung saan ang PAOCC ang nagtatakda ng deportation ng mga POGO worker, ang pamahalaan mismo ang nagbu-book ng direct flight at nagbibigay ng escort sa kabuuan ng flight.
Para sa voluntary deportation o ang iba na may mga deportation oeder, ani Casio, hindi na ini-escort ang maliliit na grupo sa oras na makarating sila sa boarding gates ng NAIA.
Nang tanungin kung ilang foreign POGO worker ang nakatakas sa layover, hindi pa umano sila makapagbigay ng eksaktong bilang ngunit iginiit na ang mga ulat na ito ay “solid and verified.”
Nakipag-usap na rin umano ang Chinese Embassy at sinabing hindi dapat payagan ang connecting flights pra sa mga naarestong dayuhan.
“Nakipag-ugnayan ang Chinese Embassy sa PAOCC at nakiusap sa amin, at sila din ay sumulat sila sa BI, na ‘wag nang hayaan ang ganitong mga mekanismo dahil nakakatakas ang kanilang mga foreign national,” aniya.
“Nakakalungkot isipin na may mga Chinese na nakaka-access sa mga pamamaraan na hindi dapat nila naa-access,” dagdag pa ni Casio.
Nauna nang nag-isyu si China Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun ng panawagan na agarang puksain ang POGO sa Pilipinas.
“We urge the Philippines to completely eradicate the scourge inflicted by offshore gambling as soon as possible. China stands ready to work with the Philippines to jointly combat crimes and we also call on the Philippines to conduct law enforcement in a just manner and ensure the legitimate and lawful rights and interests of Chinese nationals in the Philippines,” saad sa pahayag ni Guo. RNT/JGC