Home HOME BANNER STORY Tolentino, itinulak force multipliers vs sunog

Tolentino, itinulak force multipliers vs sunog

MANILA, Philippines- Dahil sa pagtaas ng 25 porsiyento ng mga insidente ng sunog noong 2023 kumpara noong 2022, suportado ni Sen. Francis “Tol” Tolentino ang modernisasyon ng Bureau of Fore Protection (BFP) at itinulak ang pagbuo ng auxiliary brigade bilang force multipliers upang mas maging epektibo ang paglaban sa mga sunog sa buong bansa.

Ayon kay Dir. Louie S. Purucan, hepe ng BFP, lumobo ang mga insidente ng sunog sa 16,493 noong 2023 mula sa 13,000 noong 2022.

Kaya naman sang-ayon si Tolentino sa kahilingan ni Purucan na kumuha ang BFP ng makabagong kagamitan at dagdagan ang mga tauhan nito para masugpo ang dumaraming insidente ng sunog.

“I am very active on the matter of modernization of the BFP and support it for the government to better protect its citizens from fire incidents that bring untold sufferings to the victims,” ani Tolentino.

Sinabi ng senador na lubha siyang nalungkot sa kuwento ng isang babaeng nawalan ng asawa at isang “espesyal na anak” sa sunog na tumupok sa mga bahay ng 189 pamilya sa Tondo, Maynila noong Peb 29.

Sa pagbabahagi ng protocol na sinusunod ng BFP sa mga sunog, sinabi ni Purucan na ang una nilang ginagawa ay i-rescue at i-evacuate ang lahat ng tao sa lugar bago magsagawa ng firefighting operations.

Gayunpaman, aniya, sa mga sunog sa mga slum area na may makipot na eskinita at siksikang kabahayan, nahihirapan ang mga bumbero sa pag-apula sa apoy kapag naharangan pa sila ng mga gamit na isinasalba ng mga residente.

Sa pagsisimula ng El Niño, inaasahan ni Purucan na tataas pa ang bilang ng mga insidente ng sunog ngayong taon.

Ang karaniwang sanhi aniya ng sunog sa mga gusali at residential area ay ang mga depektibong kable hanggang sa overloading at paggamit ng apoy sa pagluluto.

Sinabi ni Purucan na sa pagsisimula ng 2024, ang numero unong sanhi ng mga sunog ay nakasinding upos ng sigarilyo na noong nakaraang taon ay ikaapat na sanhi.

Isinuhestiyon ni Tolentino na kailangang mag-organisa ng auxiliary brigade nito mula sa propesyonal na sektor upang magsilbing force multipliers na may rank incentives. Kailangan ding magkaroon ng kampanya na himukin ang pakikilahok ng lahat sa paglaban at pag-iwas sa sunog.

Sinabi ni Purucan na lalakas ang kapasidad at mas magiging epektibo ang pagsugpo sa mga sunog kung mayroong maraming kagamitan.

Sa 1,485 munisipalidad sa buong bansa, sinabi niya na mayroon pa ring 123 munisipalidad na walang fire truck at istasyon. Ang bilang ng fire trucks ng BFP ay halos 3,000 habang ang volunteer fire brigades ay mayroong 1,300fire truck.

Sa ratio ng mga bumbero laban sa populasyon, sinabi niya na ang BFP ay napakalayo sa perpekto. Mayroon lamang isang bumbero para sa populasyon na 36,000 kumpara sa ideal na 1 bumbero sa populasyon na 2,000.

Sinabi ni Purucan na para sa populasyon ng bansa na 120 milyon, ang bilang ng mga bumbero ay dapat na 60,000. Mayroon lamang 36,000 bumbero ang BFP. RNT

Previous articleEU envoy nabahala sa ‘dangerous maneuvers’ ng Tsina vs Pinas
Next articleTraffic violation receipts ng mga LGU pinawalang-bisa ng SC