Home NATIONWIDE Traffic violation receipts ng mga LGU pinawalang-bisa ng SC

Traffic violation receipts ng mga LGU pinawalang-bisa ng SC

MANILA, Philippines- Idineklara ng Supreme Court (SC) na walang bisa ang probisyon sa 15 traffic ordinances na ipinatupad ng local government units (LGUs) sa Metro Manila kaugnay sa pag-iisyu ng Ordinance Violation Receipts (OVRs) sa mga lumalabag na driver at pagkumpiska ng kanilang lisensya.

Sa 41 pahinang desisyon ng SC En Banc, kinatigan ang petition for review ng transport groups na humiling na mabaligtad ang naging desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagdeklara na legal ang kinukwestyong ordinansa.

Ayon sa SC, walang bisa ang nasabing ordinansa dahil lumabag ito sa Republic Act No. 7924 o Metro Manila Development Authority (MMDA) Law na nagbibigay ng exclusive power sa ahensya na bumuo ng mga polisiya kaugnay sa trapiko sa Metro Manila.

Nakasaad sa Section 5 ng naturang batas na ang MMDA ang gagawa at mangangasiwa ng single ticketing system at siyang maaring magkumpiska ng driver’s licenses.

“All told, the Court thus declares as invalid the common provision in the said traffic codes or ordinances of the LGUs in Metro Manila empowering each of them to issue OVRs to erring drivers and motorists. The other provisions of the traffic codes or ordinances remain valid and unaffected by this decision.”

Kaugnay nito, nagpalabas ang SC ng permanent injunction na nag-aatas sa mga lungsod ng Makati, Taguig, Paranaque, Pasay, Quezon City, San Juan, Navotas, Las Piñas, Pasig, Muntinlupa, Valenzuela, Caloocan, Manila at municipality ng Pateros na huwag nang mag-isyu ng OVRs.

Sa direktiba ng Korte dapat tumalima ang LGUs sa Joint Metro Traffic Circular No. 12-01 ng MMDA na nagtatakda ng guidelines sa pagpapatupad ng Uniform Ticketing System in Metro Manila.

Tiniyak ng SC sa mga LGU na hindi minamaliit ang kanilang awtonomiya dahil protektado mismo ng MMDA ang interes ng bawat siyudad. Teresa Tavares

Previous articleTolentino, itinulak force multipliers vs sunog
Next articlePinay artistic swimmers kuminang sa AAGC