Home NATIONWIDE EU envoy nabahala sa ‘dangerous maneuvers’ ng Tsina vs Pinas

EU envoy nabahala sa ‘dangerous maneuvers’ ng Tsina vs Pinas

MANILA, Philippines- Inihayag ng top diplomat ng European Union sa Manila nitong Martes ang pagkabahala sa pinakabagong mapanganib na maniobra ng China laban sa Philippine resupply vessels na nagresulta sa kolisyon sa pinag-aagawang South China Sea.

“Troubled by today’s pattern of dangerous maneuvers and blocking from Chinese Coast Guard vessels and Maritime Militia targeting Philippine vessels engaged in crucial resupply missions,” pahayag ni EU Ambassador Luc Veron sa X.

Nakabanggaan ng Philippine Coast Guard vessel na sumama sa rotation at reprovisioning operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mas malaking Chinese Coast Guard ship nitong Martes ng umaga– ang unang seryosong insidenteng naiulat mula nang mag-usap ang diplomats mula sa dalawang panig sa Shanghai noong Jan. 17 upang ibsan ang tensyon sa katubigan.

Patungo ang Philippine vessels sa grounded ship BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal upang maghatid ng mga supply sa Navy personnel na nakatalaga sa lugar nang maganap ang insidente.

Agad namang dumepensa ang China sa mga aksyon nito, at sinabing ilegal na nanghimasok ang Philippine vessels sa Chinese territory.

“The EU reiterates the call for all parties to abide by the legally binding 2016 Arbitration Award and international law to peacefully resolve disputes, guaranteeing safety in maritime waters,” giit ni Veron.

Anang Philippine Coast Guard (PCG) nitong Martes, nakabanggaan ng BRP Sindangan nito ang China Coast Guard (CCG) vessel sa isang resupply mission sa BRP Sierra Madre.

“Throughout the operation, the PCG vessels faced dangerous maneuvers and blocking from Chinese Coast Guard vessels and Chinese Maritime Militia,” pahayag ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa X (dating Twitter).

“Their reckless and illegal actions led to a collision between MRRV-4407 and China Coast Guard 21555 that resulted to minor structural damage to the PCG vessel,” dagdag ng opisyal.

Samantala, sinabi ng CCG na nagsagawa lamang umano ito ng control measures laban sa Philippine vessels na ilegal umanong nanghimasok sa katubigan malapit sa Second Thomas Shoal.

Naglabas ng pahayag ang tagapagsalita ng China Coast Guard ukol sa aniya’y “illegal invasion of Scarborough Shoal by the Philippines,” na wala nang iba pang detalye.

Patuloy na inaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea sa kabila ng 2016 international arbitral ruling na bumasura sa claim nito. RNT/SA

Previous articlePangha-harass sa Pinas pinabulaanan ng Tsina
Next articleTolentino, itinulak force multipliers vs sunog