Home NATIONWIDE Tolentino: Konsehal na nag-report ng ‘hit-and-run’ incident sa Bajo de Masinloc, pumanaw

Tolentino: Konsehal na nag-report ng ‘hit-and-run’ incident sa Bajo de Masinloc, pumanaw

172
0
Kasama ni Senate Majority Leader Francis 'Tol' Tolentino sina Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. at Senator Ramon 'Bong' Revilla Jr. sa isang okasyon sa Dasmariñas City, Cavite noong Huwebes kung saan nagbigay ng tulong ang Pangulo sa mga mangingisda at magsasaka.

MANILA, Philippines- Iniulat ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na pumanaw na ang konsehal ng bayan na unang nag-alerto sa kanya tungkol sa kaso ng dalawang mangingisda na nasangkot sa ‘hit-and-run’ incident sa Bajo De Masinloc.

Ibinahagi ni Tolentino ang balita sa isang oksasyon sa Dasmariñas City, Cavite, kung saan pinangunahan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, ang pamamahagi ng tulong ng gobyerno para sa libu-libong mangingisda at magsasaka mula sa mga lalawigan ng Cavite at Rizal.

“Medyo malungkot na balita. Konsehal ito ng.. San Marcelino, Zambales, si Councilor Ly Aquino.. ay pumanaw na,” sabi ni Tolentino.

Ang pagpanaw ni Aquino noong Hulyo 10 ay kinumpirma sa isang post sa opisyal na Facebook page ng San Marcelino Public Information Office.

Sinabi ng senador na matapos siyang makatanggap ng impormasyon mula kay Aquino, agad siyang nakipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) para humingi ng tulong upang mahanap at mailigtas ang mga mangingisda, na kinilala ni Aquino na magkapatid na Roberto at Jose Mondeñedo ng bayan ng Subic.

Nailigtas ng PCG si Roberto, 47, habang nakabitin sa isang ‘payao’ sa loob ng tatlong araw. Ang kanyang kapatid na si Jose, 45, ay nananatiling nawawala habang isinusulat ito.

Umapela si Tolentino na isama sa panalangin ang kaligtasan ng tinawag niyang ‘frontliners’ ng bansa sa West Philippine Sea – kabilang ang mga miyembro ng PCG at Philippine Navy, at ang mga mangingisdang nakikipagsapalaran sa karagatan upang maghanapbuhay, sa kabila ng malalaking panganib na kanilang kinakaharap.

“Isama na rin po natin sa panalangin na nawa sila’y maging ligtas sa araw-araw na ginagawa nila, dahil ang araw-araw na ginagawa nila ay para po sa bansang Pilipinas, para po sa ating lahat,” ani Tolentino.

Si Tolentino ang pangunahing may-akda at sponsor ng panukalang batas na naglalayong ideklara ang mga karapatan ng bansa sa mga maritime zone nito, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ang makasaysayang 2016 Hague arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas.

Ang landmark bill na tinatawag na Philippine Maritime Zones Law (SBN 2492), ay kasama sa priority measures ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC). RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here