MANILA, Philippines – Kinondena ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang deklarasyon ng China na “sovereign jurisdiction” sa Sandy Cay sa West Philippine Sea sa pagsasabing ito ay isang mapangahas na pag-atake sa soberanya ng bansa.
“Mariin kong kinokondena ang iligal na pag-agaw ng China Coast Guard sa Sandy Cay 1 – isang malinaw na paglapastangan sa sobreranya ng Pilipinas. Ang Sandy Cay ay nasa loob ng ating teritoryal na karagatan – walang dudang bahagi ng ating bansa ayon sa batas internasyonal,” sabi ni Tolentino.
“Ang walang kabuluhang panghihimasok na ito ay dapat matugunan ng pinakamalakas na diplomatikong at depensibong mga hakbang,” sabi pa ng reelectionist na senador.
Si Tolentino, na namumuno sa Senate Special Committee on Admiralty and Maritime Zones, ay hinimok ang mga awtoridad ng Pilipinas na iprotesta ang pinakabagong agresyon ng China sa West Philippine Sea.
“Hindi natin dapat hayaang yurakan ng mga dayuhang pwersa ang ating mga karapatan at dignidad. Ang West Philippine Sea ay pag-aari ng mamamayang Pilipino at walang pananakot at pagsalakay ang makapagpapabago nito,” giit ng senador.
Nananawagan din siya sa lahat ng Pilipino na manindigan at ipagtanggol kung ano ang atin, nang buong tatag, ayon sa batas at walang takot,” apela pa niya.
Tinatawag ng gobyerno ng Pilipinas ang Sandy Cay, bilang Pag-asa Cay 2, habang ang China ay tinatawag itong Tiexian Jiao. Bahagi ito ng pinagtatalunang mababang pampang o bahura ng coral, rock at sand na matatagpuan sa Spratly Islands malapit sa Pag-asa Island sa WPS.
Sa ulat ng China Global Times, sinasabing ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard (CCG) ay nagpakita ng bandila ng China sa Sandy Cay at ipinatupad ang pamamahala sa dagat. RNT