MANILA, Philippines – Hindi lamang si senatorial candidate Camille Villar ang nahaharap sa show cause order na inisyu ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa pagkakasangkot sa umano’y vote buying kundi pati ang kanyang ina na si Senador Cynthia Villar sa kapareho umanong paglabag.
Nitong Lunes ng umaga, Abril 28, personal na nagtungo sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila si Las Pinas City Councilor Mark Anthony Santos para maghain ng petisyon na humihiling na idiskwalipika ang nakatatandang Villar.
Ito ay matapos umanong mamahagi ng sandamakmak na ayuda sa mga tao na ginawa sa coliseum na pag-aari ng pamilya Villar na mahigpit na ipinagbabawal sa batas.
Sa tatlong pahinang petisyon, iginiit ni Santos na nilabag ni Villar ang Section 261 (a) ng Omnibus Election Code (OEC) at Comelec Resolution No. 11116 kaugnay sa vote buying at vote selling.
Mahigpit na katunggali ni Santos si Villar para sa lone congressional district ng lungsod sa midterm elections.
Si Santos ay pitong terminong konsehal ng Las Pinas City.
Noong Abril 23, 2025, personal na nagtungo ang senador sa Villar Coliseum, Sta. Cecilia Village, Barangay Talon Dos Las Pinas City, kung saan umano namahagi ng ayuda sa mga senior citizen-resident ng lungsod.
Sa nasabing petsa, nakipagkamay din umano ito sa mga tao at nagbigay ng pahayag sa pamamahagi habang nakasuot ng kulay kahel na damit.
Ani Santos, pinatutunayan umano ang insidente ng video ng isang concerned citizen na ipinasa sa kanya bilang ebidensya.
Ayon sa Comelec, walang kandidato o pulitiko ang dapat makisangkot sa pamamahagi ng ayuda, at dapat magtatag at magpatupad ng mahigpit na guidelines ang DSWD para sa mga proyekto.
Pinagbabawal sa Comelec resolution ang pagbibigay at pagtanggap ng anumang tulong o “ayuda” kung saan binanggit ang mga pangalan ng mga kandidato o mga isinasagawa sa lugar kung saan makikita ang pangalan ng larawan ng kandidato.
Nauna rito, naglabas ng show cause order ang Committee on Kontra-Bigay ng Comelec laban kay Camille Villar dahil sa sumbong na nag-aabot ng pera bilang pang-raffle.
Naganap ang aktibidad sa Buhay na Tubig, Imus, Cavite na lumabas sa social media noong Pebrero 26 kung kailan simula na ang panahon ng kampanya.
Ang Committee on Kontra Bigay ay inatasan na ipatupad ang lahat ng mga patakaran ng poll body laban sa pagbili at pagbebenta ng boto at pangasiwaan ang pagsasampa ng mga reklamo para sa mga paglabag sa halalan o disqualification ng mga kandidato na mapapatunayang gumawa ng mga paglabag sa halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden