Home NATIONWIDE Tolentino sa Phivolcs: Terminology sa lindol, gawing simple

Tolentino sa Phivolcs: Terminology sa lindol, gawing simple

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Francis Tolentino sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na gawing mas madaling maunawaan ang mga weather advisories para sa ordinaryong Pilipino.

Sinabi ni Tolentino na dapat gumamit ang ahensya ng mga terminolohiyang mauunawaan ng mga Pilipino kapag gumagawa ng mga update sa mga aktibidad sa lindol o iba pang kalamidad dahil ito ay isang mabisang kasangkapan sa komunikasyon sa panahon ng emerhensiya.

Ang Phivolcs, ayon sa senador, ay maaaring lumipat sa vernacular terms para tukuyin at pag-iba-ibahin ang magnitude at intensity, at iba pang technical terms.

Binanggit niya ang mga salitang Filipino tulad ng “pag-uga, pagyanig, paggalaw,” at “paglindol” bilang posibleng mga halimbawa.

“Maraming lokal na salita ang magagamit para mas madaling maunawaan ng karaniwang Pilipino ang lindol,” sabi ni Tolentino sa kanyang programa sa radyo.

Binigyang-diin ng senador na mahalaga ang epektibong komunikasyon dahil ang Pilipinas ay prone sa lahat ng uri ng natural na kalamidad dahil sa heograpikal na lokasyon nito.

“Sa parehong paraan na ako ay nananawagan sa Pagasa (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) na pasimplehin ang kanilang weather advisories, mayroon akong parehong apela para sa Phivolcs,” ani Tolentino.

Ang parehong ahensya ay nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST).

“Makatutulong din ito sa ating mga kababayan na magplano, maghanda, at tumugon nang mas mahusay. Ang mabisang komunikasyon sa panahon ng kalamidad ay makakapagligtas ng mga buhay,” anang senador.

Si Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol, na naging panauhin ni Tolentino sa kanyang radio program na “Usapang Tol,” ay tinanggap ang apela ni Tolentino.

Ayon kay Bacolcol, may programa ang ahensya na tinatawag na “Danas,” na naglalayong gawing laymanize ang mga termino at babala sa siyensiya.

Kinumpirma rin ni Bacolcol na namonitor ng Phivolcs ang mahigit 200 lindol na nakaugnay sa Manila Trench mula noong Disyembre 17, kabilang ang magnitude 5.0 na lindol na naganap sa rehiyon ng Ilocos noong Disyembre 19.

Idinagdag niya na ang Manila Trench, tulad ng West Valley Fault, ay may kakayahang magdulot ng magnitude 8.4 na lindol. RNT