MANILA, Philippines – Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Maynila na mahahakot lahat ng basura sa ruta ng prusisyon ng Traslacion bago ang Enero 9, 2025.
Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna , sa press conference ng Nazareno 2025 na tuloy-tuloy ang pangongolekta ng basura 24 oras sa kadahilanang hindi na ito nahakot ng dating provider.
Ayon kay Lacuna, dahil sa transition ay umabot sa 4 na beses ang dami ng basura simula Disyembre 31 kumpara sa regular na basura na hinahakot.
Aniya , nasa 80 mga truck ng basura ang umiikot ngayon sa Kamaynilaan para kolektahin ang lahat ng basura na iniwan ng dating disposal contactor — Leonel Wage Management.
Sinabi ni Lacuna na ang Philippine Ecology Systems Corporation (PhilEco) at MetroWaste Solid Waste Management Corporation (MetroWaste) ang bagong garbage collection at disposal contractors ng capital city.
Samantala, sinabi rin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na nagpapatuloy din ang ginagawa nilang clearing operation sa daraanan ng andas ng Jesus Nazareno.
Ayon sa MMDA, titiyakin nilang walang sagabal sa daraanan ng prusisyon ng Andas.
Gayundin, sinabi rin ni Manila Police District Director P/Brig.Gen. Arnold Thomas Ibay na bagamat nagsagawa na ng dalawang beses na inspeksyon o walkthrough ay magkakaroon pa rin ng isa pang walkthrough sa ruta dalawa o tatlong araw bago ang mismong araw ng Kapistahan ng Quiapo. Jocelyn Tabangcura-Domenden