MANILA, Philippines – Buo ang kumpyansa ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa potensyal ng lalawigan ng Sorsogon para maging susunod na ‘major sports and tourism destination’ ng bansa.
Sa kanyang regular na programa sa radyo na ‘Usapang Tol,’ pinuri ni Tolentino ang pagsisikap ng pamahalaang lokal sa pamumuno ni Governor Jose Edwin Hamor para pagbutihin ang mga pasilidad at imprastraktura ng Sorsogon, lalo na para gawing mas accessible ang lalawigan sa mga turista.
“Ineengganyo ko ang ating mga kababayan na magtungo sa Sorsogon at tuklasin ang magagandang beaches nito,” ayon sa senador, na nagtungo sa naturang probinsya para sa pagpapasinaya ng world-class Sorsogon Sports Arena (SSA), sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Lumahok din si Tolentino sa pagdiriwang ng ika-130 anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan, gayundin ng ika-50 Kasanggayahan Festival.
Sinabi ni Tol kay Hamor na sya’y namangha sa laki ng SSA, na may kapasidad na 15,000 at inspirado ang disenyo ng Roman Colosseum.
“Sa pamamagitan ng Sorsogon Sports Arena, maaari nang mag-host ang inyong probinsya ng national sports events, at maging ng regional and international competitions. Pwedeng doon na rin mag-training ang ating mga atleta mula Bicol at Visayas, kaysa bumiyahe pa sa Metro Manila, New Clark City, o Baguio City,” ayon kay Tolentino, na isa ring aktibong tagasuporta ng Philippine sports.
Bilang tugon, nagpasalamat si Hamor kay Tolentino at kay Senate President Francis Escudero, na tubong Sorsogon, dahil sa kanilang suporta sa mga programa ng lalawigan.
Ibinahagi rin ni Hamor na kasama sa kanyang mga prayoridad ang pagpapabuti ng vehicular traffic sa Matnog Port, na nagsisilbing gateway sa pagitan ng mainland Luzon at Visayas. RNT