Si Senator Francis Tolentino, kasama ang Olympic swimmer at medalist na si Kayla Sanchez, nang bumisita sa Senado noong Setyembre 27, 2022.
MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na lumakas ang tyansa ng Pilipinas na makasungkit ng mas maraming medalya sa Paris Olympics na magsisimula sa Hulyo 26.
“The more Filipino athletes qualifying for the Olympics, the bigger the chances for Team Philippines to make the podium in Paris,” sabi ni Tolentino, masugid na tagasuporta ng Philippine sports.
Ayon kay Tolentino, may lima pang atletang Pinoy ang nakasampa sa Olympic sa kani-kanilang event, kaya umaabot na sa 20 ang sasabak sa Paris.
Kabilang dito ang mga manlalangoy na sina Kayla Sanchez at Jarrod Hatch; judoka Kiyomi Watanabe at golfers na sina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina.
Binanggit ni Tolentino na ang manlalangoy na si Kayla Sanchez na nanalo ng pilak at tanso sa Canada at Tokyo, ay nakatakdang i-bandila ang Pilipinas sa 100-meter women’s freestyle event sa Paris.
“Kayla’s mother is Filipina. And so when Kayla was able to acquire dual citizenship, I helped her get a Philippine passport, which would enable her to swim for our country,” pagbabahagi ni Tolentino.
Sa pagbanggit ng impormasyon mula sa kanyang kapatid na si Philippine Olympic Committee (POC) chairman at Tagaytay City Mayor Abraham ‘Bambol’ Tolentino, sinabi ng senador na mas maraming Filipino athletes ang maaaring makakuha ng ticket papuntang Paris, partikular sa athletics.
Matatandaan na si Paris-bound Joanie Delgaco, ang kauna-unahang Pinay rower na nag-qualify sa quadrennial event, ay nag-courtesy call kay Tolentino sa Senado noong Hunyo 10.
“We expect more athletes, hopefully five more, to make the cut. If our delegation reaches 25, that’s a good number. Marami-rami na tayong mga pambato na pwedeng makakuha ng medalya sa Paris,” anang senador na pangulo rin ng Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP).
“Let us rally behind and pray for our athletes who will banner the Philippine flag at the biggest stage in global sports,” aniya pa.
Kasalukuyang nasa Zamboanga region si Tolentino at pinangangasiwaan ang Mindanao leg ng Philippine ROTC (Reserve Officers’ Training Corps) Games 2024. RNT