MANILA, Philippines – Pansamantalang hindi maniningil ng toll fee sa northbound ng Balintawak hanggang Meycauayan ang North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa pagkukumpuni sa Marilao Overpass Bridge sa Hunyo 22, 2025, mula ala-1 ng umaga hanggang alas-12 ng hatinggabi.
Ito ay matapos ipag-utos ng Department of Transportation (DOTr) sa concessionaire na suspindihin ang toll collection, kasunod ng panibagong pagbangga sa kalsada na sumira sa tulay noong Miyerkules, Hunyo 19.
Ang tulay ay muling tinamaan ng isang overweight container truck kaya bumagsak ang beam sa sasakyan ng mga biktima.
Ang insidente ay nag-iwan ng isang patay at anim na sugatan.
Dagdag pa ng kumpanya, magkakaroon ng “appropriate traffic management measures” para mabawasan ang abala sa mga motorista habang isinasagawa ang pagkukumpuni ng tulay.
Noong Marso lamang, isang over-height na trak ang bumangga rin sa Marilao Bridge, na humantong sa ilang linggong pagkukumpuni at pansamantalang pagsasara ng mga lane.
Nauna nang sinabi ng NLEX ang buong pakikipagtulungan nito sa DOTr, Toll Regulatory Board (TRB), at Philippine National Police (PNP) upang imbestigahan ang insidente. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)