Home METRO BFAR ships binomba ng water canon, muntik mabangga ng CCG

BFAR ships binomba ng water canon, muntik mabangga ng CCG

MANILA, Philippines – Binuntutan at halos mabangga ng barko ng Chinese Coast Guard ang barko ng Bureau of Fisheries na BRP Datu Daya at BRP Datu Bangkaya malapit sa Bajo de Masinloc o Panatag Shoal noong Biyernes ng hapon, Hunyo 20.

Paulit-ulit na nag-radio challenge ang CCG 4106 sa BRP Datu Daya, iginiit na ang barko ng Pilipinas ay pumasok umano sa teritoryo ng China.

Ang Bajo de Masinloc o Panatag Shoal ay matatagpuan 124 nautical miles sa kanluran ng Zambales at nasa loob ng 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) at Philippine Continental Shelf.

Gumamit din ng water cannon ang CCG-4203 sa BRP Datu Tamadapit, habang pinuntirya naman ng CCG-3105 ang BRP Datu Tamblot, na bahagi rin ng nasabing misyon.

Sa kabila nito, sinabi ng PCG na walang napinsala sa mga sasakyang pandagat ng BFAR at walang nasaktan sa insidente.

Nangyari ang insidente habang nagsasagawa ng resupply mission ang BFAR para sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea.

Gayunpaman, muling pinagtibay ng BFAR at PCG ang kanilang pangako na pangalagaan ang mga karapatan at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino at ipagpapatuloy ang mga lehitimong operasyon sa Panatag Shoal.
(Jocelyn Tabangcura-Domenden)