MANILA, Philippines – Isang mekaniko ang nadakip matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Mambog 5, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa ulat, “extra income” di umano ng suspek ang pagbebenta ng iligal na droga. Kinilala ang suspek sa alyas na Geoffrey, 32 anyos, mekaniko, at residente ng Brgy. Salinas 2 ng nasabing lungsod.
Sa report ng pulisya, bandang alas-11:50 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang grupo ng PDEA, Cavite Police, at Cavite Maritime Police, kung saan naaresto ang suspek.
Nabatid na ilang araw din nilang minanmanan ang galaw ng suspek kaya’t nabuo ang operasyon para sa ikadarakip nito.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang nasa mahigit 200 gramo ng shabu na aabot sa halagang ₱1,360,000.00.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) ang suspek na nasa kustodiya ngayon ng mga awtoridad. (Margie Bautista)