Home METRO Tomboy hinalay ng kainuman!

Tomboy hinalay ng kainuman!

MANILA, Philippines- Dumulog sa himpilan ng pulisya ang isang tomboy makaraang halayin sa ilalim ng puno ng saging ng isa nitong kainuman na kaagad namang naaresto, kahapon sa bayan ng Taal sa Batangas.

Ang suspek na mabilis na nadakip at kasalukuyang nahaharap sa kasong RA 8353 (Rape) na kinilala sa alyas na John, nasa hustong gulang, residente ng nabanggit na lalawigan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Taal Municipal Police Station, ganap na alas-2 ng madaling-araw ay nakikipag-inuman ang biktima na itinago sa pangalang Carla, lesbian, sa bahay ng suspek at nang nalasing na ang biktima ay nagpaalam ito sa suspek na uuwi na. Subalit, dahil sa labis na kalasingan, nagawa umano itong akayin ng suspek at ihatid ang biktima sa bahay nito.

Napag-alaman na sa halip na dalhin ng suspek sa bahay ang biktima ay dinala ito sa sagingan at sinamantala ang matinding kalasingan upang isagawa ng suspek ang panghahalay sa biktima na kaagad na nagtungo sa pulisya upang magsumbong na humantong sa pagkakaaresto sa suspek. Ellen Apostol