MANILA, Philippines – Maituturing na umanong ‘hoarding’ ang hindi maglabas ng mga kargamento na iniipit ng mga consignees partikular ang imported na bigas na nasa Port of Manila.
Ito ang inihayag ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago kasunod ng ulat ng port congestion sa Manila International Container Terminal (MICT).
Sa rekomendasyon ng PPA, dapat kumpiskahin na ng Bureau of Customs (BOC) ang mga imported na bigas na mahigit 30 araw na sa mga pantalan.
Ayon kay Santiago, salig ito sa Customs Modernization Act na nagtatakda na puwedeng ideklarang abandonado ang isang kargamentong lumagpas ng isang buwan sa pantalan kahit pa bayad na ang buwis.
Simula aniya sa Oktubre 01 ay ilalabas nila ang pangalan ng mga consignee na ito at itutulak sa BOC na simulan na ang pagdedeklara sa mga kargamento nilang bigas bilang abandonado.
Una nang sinabi ni Santiago na tila hinihintay ng ilang consignee na pinatataas muna ang presyo ng bigas bago ilabas ng pantalan.
Kasama umano sa mga nakatenggang imported na bigas sa Manila International Container Terminal ay umaabot na sa 275 na araw. Jocelyn Tabangcura-Domenden