Home OPINION TOOTH FAIRY

TOOTH FAIRY

DAHIL sa panukala ni Senator Raffy Tulfo na sagutin na rin ng PhilHealth maging ang libreng pustiso at dental health services ng mga Pilipino, maituturing na siya bilang “Tooth Fairy” ng Senado, ipinamalas ang determinasyong matugunan ang karaniwang naisasantabing aspetong pangkalusugan.

Sa pag-uugnay ng importansya ng oral health sa pagkakataong makapagtrabaho, binigyang-diin ni Idol Raffy ang mas malawakang implikasyong panglipunan ng pagkakaroon ng dental care accessibility.

Mayroong kakulangan ang PhilHealth coverage, partikular na sa dental services, sa kabila ng mga probisyon ng Universal Health Care law. Ayon sa senador, ang kakulangang ito ay labis na nakakaapekto sa komunidad ng mahihirap, pinalalala ang pagkakaiba-iba ng oral health outcomes.

Sa pagsusulong na mailibre na ang pustiso at dental checkups, layunin ng senador na mabawasan ang pagkakaiba-ibang ito at itaguyod ang pagkakapantay-pantay sa healthcare access.

Mabuhay ka, Sen. Raffy!

                     Palpak na polisiya sa agrikultura

Ito ang nagiging problema kapag nagtagal sa puwesto ang wala namang alam na kalihim ng Department of Agriculture: nauuwi sa gulo ang hindi maayos na mga polisiya at hilaw na pakikialam ng Presidente.

Ang lakas-loob na desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na italaga ang kanyang sarili bilang Agriculture chief ay nagbunsod ng mga wala sa hulog na mga pagpapasya na lalo lamang nagpagulo sa sektor — hindi pa nababanggit diyan ang artificial inflation na epekto ng pekeng kakapusan ng maraming crops at mga ani mula sa sibuyas, bawang, asukal hanggang sa karne, at maging — sa bigas!

Ang Administrative Order No. 20 ay isang walang ingat na pagtatangkang matugunan ang mataas na presyo ng mga bilihin, nagsisilbing pruweba sa mga panganib ng micromanagement. Ngayon, natambak kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. ang problema, minana ang mga samaan ng loob, at binawasan ang mga polisiyang ginawa bago siya maluklok sa puwesto.

Sa unang bahagi ng linggong ito, itinanggi ni Tiu-Laurel na alam niya o ineendorso niya ang AO 20. Ang order, na ipinalabas upang makontra ang nagtataasang presyo, ay nagbunyag ng napakalaking kaibahan sa aksyon ng gobyerno at sa reyalidad na hinaharap ng maraming Pilipinong magsasaka.

Parang inamin na rin ni Tiu-Laurel na ang AO 20, na binuo noong wala pa siya, ay nagtatanggal sa mahahalagang proteksyong pabor sa mga lokal na magsasaka at lumikha ng konseptong free-for-all sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.

Batid ang negatibong epekto nito sa sektor, iginigiit ngayon ng DA chief ang 90-araw na pagpapalawig sa implementasyon ng AO 20, na nag-aalis sa non-tariff barriers sa pag-aangkat ng agricultural products upang masiguro ang supply at matugunan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin sa lokal na merkado.

Pero katwiran ni Tiu-Laurel, ang pag-aapura sa pagtugon sa problema sa supply at presyo nang hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga komunidad ng magsasaka ay nagsisilbing batik sa mga polisiyang pang-agrikultura ng Pilipinas. Habang mga magsasaka ang nagdurusa sa bureaucratic blunder na ito, naiwan naman sa kalihim ang tungkuling linisin ang kalat na hindi naman siya ang may gawa.

                                        *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.